10 pamilya nakatira sa landslide-prone area sa Butuan, inilikas

Rodge Cultura, ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 12:35 PM

Umabot sa 10 pamilya ang inilikas sa ikinasang preemptive evacuation sa lugar na delikado sa landslide sa Butuan.

Ikinasa ng Disaster Risk Reduction Office sa Butuan ang paglikas ng mga nakatira sa Delta, Barangay Bonbon.

Namemeligro ang lugar sa pagguho ng lupa lalo't nakatirik sa pampang ang mga bahay roon.

Isa sa mga residente doon si Mimi Bacongga na naghahanda ng mga gamit pero tumangging iwan ang kanilang bahay.

Hihintayin umano muna niyang makauwi ang kanyang mister mula sa trabaho.

Samantala, habang marami sa lugar ang piniling iwan muna ang kanilang mga tahanan, hiling naman ni Ronie Gamale na tulungan siyang makatawid sa Ugabang Creek para makauwi.

Bumili si Gamale ng walong kilong bigas pero nahirapan siyang tawirin ang tumataas at rumaragasang tubig sa kanyang pag-uwi.

“Mahirap na ako nag-evacuate pero yung mga anak ko andun naiwan sa bahay,” sabi niya.

Wala umanong naiwan sa kanilang bahay kundi ang kanyang apat na anak na edad 11, 9, 7, at apat na taong gulang.

Pumayag naman ang mga opisyal sa barangay at nagtulong na maitawid si Gamale gamit ang lubid na itinali ng emergency responders.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.