Salubong 2018: Naitalang mga sunog, sugatan sa paputok, kumaunti

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2018 10:24 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bumaba ng mahigit 60% ang kaso ng fireworks-related injuries ngayon kumpara noong nakaraang taon sa parehong panahon.
 
Ayon sa Department of Health (DOH), nasa 191 ang kaso ng mga naputukan mula Disyembre 21, 2017 hanggang Enero 1, 2018.
 
Mas mababa ito sa 348 na naputukan noong nakaraang taon sa parehong panahon. 

Wala namang naitalang fireworks ingestion o nakalunok ng paputok sa pagdating ng 2018, samantalang 2 fireworks ingestion ang naitala noong nakaraang taon. 

Wala ring naitalang namatay dahil sa paputok. 

Paliwanag ng DOH, malaking bagay ang ipinatupad na Executive Order (EO) 28 o ang pagbabawal ng pagpapaputok sa residential areas.

"The DOH is grateful for the strong cooperation of our local government units and other local government agencies for this success. We like to thank President Rodrigo Duterte for the passing of EO 8," ani Duque. 

Dagdag ni Health Secretary Francisco Duque III, dapat ding panagutin ang mga gumagawa ng ilegal na paputok at hindi ang mga nabiktima nito lalo't may naitalang pitong kaso ng amputation. 

Tulad na lamang ng 12 anyos na batang si alyas "Juan" na isinugod sa East Avenue Medical Center matapos masabugan ng plapla.

Kuwento ni Juan, hindi naman siya ang nagpaputok kung hindi tinawag lang ng kaibigan.

Hindi raw kasi pumutok ang plapla kaya niya nilapitan pero nang pulutin na niya ay bigla itong sumabog.

Kailangang putulin ang dulo ng isa niyang daliri dahil sa nangyari.

Hanggang sa Enero 5, 2018 ang pagmo-monitor ng DOH sa fireworks-related injuries pero target pa rin ng ahensiya ang tuluyang pagbabawal sa mga paputok.

Sunog sa Bagong Taon, bumaba rin

Bumaba rin ng halos 40% ang naitalang sunog sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Ani Fire Superintendent Joanne Vallejo ng Bureau of Fire Protection, siyam na sunog ang naitala nila sa magdamag.

Mas mababa ito kumpara sa parehong buwan noong nakaraang taon.
    
Walo rito ay nangyari sa National Capital Region at isa sa Cordillera Administrative Region.
    
Ayon kay Vallejo, problemang elektrikal ang pangunahing sanhi ng sunog.

--Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.