Pinsala ng 'Vinta' sa Palawan: 37 patay, 60 nawawala

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2018 10:13 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pumalo na sa 37 katao ang naitalang patay habang 60 iba pa ang nawawala sa pananalasa ng bagyong 'Vinta' sa Palawan.

Ayon sa pinakahuling tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Palawan, kinilala na ng mga kaanak nila ang 20 na nasawi habang 17 pa ang patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan.

Patuloy naman ang relief operation ng lokal na pamahaalan sa Barangay Mangsee sa bayan ng Balabac na pangunahing nasalanta ng bagyo.

Tantiya ng PDRRMO, 70 porsyento ng isla ang nasira dahil sa bagyo. Nitong Lunes ng umaga, 1,500 bag ng mga NFA rice ang naipadala sa isla.

Pangunahing tinutukan na mabigyan ng relief goods ang 143 pamilya na nanatili pa sa evacuation center.

Wala na kasi silang mga bahay na matitirhan at wala ring kamag-anak na pansamantalang malilipatan.

Pagkain pa rin ang pangunahing pangangailangan ng mga biktima ng bagyo. 

Patuloy pang inaalam ng otoridad ang kabuuang pinsala na naidulot ni Vinta sa isla. 

-- Ulat nina Diana Lat at Jervis Manahan, ABS-CBN News