Oversight committee para sa Yolanda rehab, itutulak ni JV

Ulat ni Jenette Ruedas, ABS-CBN News Tacloban

Posted at Nov 28 2014 12:36 PM | Updated as of Nov 28 2014 08:36 PM

TACLOBAN - Planong itulak ni Senator JV Ejercito na magkaroon ng oversight committee para sa rehabilitasyon ng mga lugar na apektado ng bagyong "Yolanda."

Ito ang kanyang nais ipaabot na rekomendasyon kay President Benigno Aquino III sa pagbalik nito sa Manila matapos ang public hearing sa Tacloban ng committee on urban planning, housing and resettlement.

"Para naman magkaroon kami ng oportunidad na tutukan yung mga ahensya. Sa ngayon kasi wala kaming oportunidad eh," ani Ejercito.

Iminungkahi naman ni Negros Occidental Rep. Albee Benitez na tulungan na lang muna ang mga nakatira sa tent at mga makeshift houses habang wala pa ang pabahay ng National Housing Authority (NHA).

"I-harness yung community to help build their homes themselves, so ito ang isa sa pinag-aaralan ngayon," aniya.

Ang isyung ito ay pag-uusapan na rin sa susunod na hearing.

Samantala, kuntento naman ang komite sa ginagawa ng Office of the Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (OPARR) sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.

Pero, hiling din ng senador na sana ay iwasan ang bangayan ng mga opisyal sa panahon ng kalamidad.

Ito umano ay nakakapabagal din sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.

"Sana yan ang tanggalin natin. We have to move forward... Nakakaawa dito yung ating mga kababayan, hindi naman yung mga opisyales eh diba," sambit ni Ejercito.

"Dapat hindi tayo nakakakita ng kulay. Kung sino yung may pangangailangan, tulungan natin. Huwag ho sana nating isipin yung pulitika," dagdag pa ng opisyal.

Ang nasabing public hearing ay isinagawa sa Tacloban para makita ang totoong sitwasyon sa siyudad at plano rin ng komite na ito ay iparating sa Pangulo.