WATCH: 40 mangingisda, arestado sa troll fishing

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2014 06:47 PM | Updated as of Nov 28 2014 02:47 AM

 

CAVITE - Nalambat ng pinagsamang pwersa ng Provincial Intelligence Branch ng Noveleta Police at Cavite City Police ang 40 mangingisda sa baybaying sakop ng Cavite.

Ilegal ang ginagawang pangingisda ng mga naaresto, na tinatawag na troll fishing. Ito ang paggamit ng uri ng lambat na masyadong pino, kaya't maging ang mga maliliit na isda at mga semilya ay nahuhuli.

Taga-Navotas ang lahat ng mga nahuling mangingisda.

Ilang buwan na ring minanmanan ng mga pulis ang grupo matapos makakuha ng mga reklamo mula sa mga lehitimong mangingisda ng Cavite.

Kinumpiska naman ang banye-banyerang dilis at dulong na huli ng mga mangingisda. Kinuha rin ang pitong bangkang ginamit nila.

Aminado naman ang mga naaresto na alam nilang ilegal ang kanilang gawain. Kumakapit na lang raw sila sa patalim dahil ito lang ang kanilang ikinabubuhay.

Pansamantalang ikukulong ang mga naarestong mangingisda. Kailangan rin nilang magbayad ng P5,000 fine. –ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News