Pulis sa S. Cotabato, patay sa pamamaril

By Francis Canlas, ABS-CBN News SOCCSKSARGEN

Posted at Nov 19 2014 10:06 AM | Updated as of Nov 19 2014 06:06 PM

SOUTH COTABATO - Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng naka-motorsiklong mga suspek sa bayan ng Polomolok sa South Cotabato nitong Lunes.

Pauwi na mula sa trabaho si PO2 Philvan Jalipa nang siya ay pagbabarilin sa isang kalye sa Pulatana Subdivision sa Barangay Cannery Site.

May pitong putok ang umalingawngaw ayon sa ilang residente. Nagawa pang maitakbo si Jalipa sa pagamutan, subalit kinagabihan ng Martes, binawian na ng buhay si Jalipa habang nasa loob ng intensive care unit.

May sinusundan ng lead sa imbestigasyon ang mga pulis.

Kasapi ng motorcycle police ng bayan si PO2 Jalipa, kaya't wala itong hinahawakang mabigat na kaso, ayon sa mga kapwa niya kasamahan sa trabaho.

Ayon sa mga imbestigador, posibleng may koneksyon ang pamamaril sa personal na buhay ng biktima.

Ito na ang pangatlong insidente ng pamamaril na kinasasangkutan ng riding-in-tandem na naitala sa bayan ngayong buwan pa lamang.