'UFO' spotted in Capiz

Posted at Jul 01 2011 10:49 PM | Updated as of Jul 02 2011 06:49 AM

Ito ang Barangay Jumaguicgic sa San Jose sa Capiz.

Kamakailan lamang may namataan daw ditong "unidentified flying object" o UFO.

Sa ibabaw ng mga palayang ito dito sa Brgy. San Jose, Capiz, namataan umano ang UFO at hindi lamang isang tao ang nakakita kundi halos buong barangay ay sumasaksi sa isang bagay na pinaniniwalaang hindi galing dito.

At ang kanilang mga inilahad, tumugma sa nakunang video ng magpinsang Jun-Jun at Joven noong gabi ng ika-26 ng Mayo, ngayong taon.

Ang na-bidyuhan sa Capiz, animo'y aandap-andap na ilaw naman sa kalangitan, kumikilos pakanan at kaliwa.

At ang kumuha nito, wala daw ni anumang ginawang pagbabago o pagmamanipula sa video na ito.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang Department of Science and Technology o DOST ukol dito at iba ang kanilang palagay sa kakaibang ilaw na nakita ng mga residente.

“Kung titignan natin ‘yung image, enlarged siya e, out of focus. Pero kung ibabalik natin sa normal, isa siyang concentrated na ilaw,” sabi ni Jose Mendoza.
 
Ipinakita namin kay Dr. and Engineer Serafin Leonardo Orijuela, isang eksperto sa pag-aaral ng mga extraterrestrial ang video ng umano'y UFO sa Capiz at ito ang kanyang opinyon.

“Ang masasabi ko, totoo iyan. Kaya ang Pilipinas ang pinupuntahan ng UFO dahil mataas ang energy dito sa bansa,” sabi ni Orijuela.

Ayon sa DOST ay hindi sila kumbinsido na ito ay UFO pero hindi rin nila masabi kung ano ang ilaw na ito sa langit na hindi lang iisang ulit lumabas dito sa lalawigang ito kundi ilan pang insidente na kahalintulad nito sa iba pang bahagi ng bansa sa nagdaang dalawampung taon.

Patuloy ang pag-iimbestiga sa misteryosong pangitaing ito sa Capiz.

Pero ang tanong, bakit nga kaya tila paboritong bisitahin ng mga sinasabing UFO ang Pilipinas?

Ano ang ibig nitong iparating?

Alamin ang kabuuang kwento sa Rated K, Linggo ng gabi.