2 patay, 5 kritikal sa banggaan ng van, tricycle

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2016 10:48 AM | Updated as of Jun 29 2016 12:02 PM

MANILA - Dalawa ang patay habang lima ang kritikal sa salpukan ng pampasaherong van at tricycle sa Polomolok, South Cotabato Martes.

Batay sa imbestigasyon ng traffic police, parehong papunta sa direksyon ng bayan ng Tupi ang dalawang sasakyan nang magbangaan ang mga ito sa Purok Lusanes, Barangay Sulit dakong ala-1:30 ng hapon.

Sinasabing mabilis ang takbo ng van nang mag-overtake ito sa tricycle. Bigla namang lumiko ang mas maliit na sasakyan kaya naararo ito ng van.

Nagpagulong-gulong ang tricycle nang halos 10 metro dahil sa lakas ng pagkakabangga.

Agad nadala sa pagamutan ang pitong nasaktan na pawang pasahero ng tricycle.

Pero binawian din ng buhay ang mga biktimang sina Maternidad Biñan at Juvy Jane Aristoque.

Nasa kritikal na kondisyon naman sina James Lorica na driver ng tricycle, Rubylyn Maglasang, Rebecca Lara, Edgardo Biñan at isang pitong taong gulang na bata. Kasalukuyan silang inoobserbahan sa South Cotabato Provincial Hospital.

Nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng van at dalawa nitong pasahero.

Kakasuhan ng reckless imprudence resulting to multiple homicide and serious physical injuries at damage to properties ang driver ng van.