Mga biktima ng scam, humingi ng tulong kay Duterte

Rodirey Salas, ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2016 09:01 PM

Inabangan ng mga nabiktima ng iba't-ibang investment scam si President-elect Rodrigo Duterte malapit sa labas ng kanyang bahay sa Davao City. Rodirey Salas, ABS-CBN News

DAVAO CITY -- Inabangan nitong Biyernes ng mga nabiktima ng iba't-ibang investment scam si President-elect Rodrigo Duterte malapit sa labas ng kanyang bahay sa Davao City.

Nagbabasakali sila na lumabas si Duterte at makausap sila. Hangad ng grupo na matulungan sila ni Duterte na maibalik ang kanilang na-invest na pera at managot ang mga taong sangkot dito.

Nagsindi sila ng mga kandila malapit sa labas ng bahay ni Duterte upang makahingi ng tulong at ipanawagan sa President-elect ang kanilang mga hinaing.

Umaasa si Lolita Canonigo, isa sa mga biktima, na kung may kamay na bakal si Duterte laban sa iligal na droga, sana may kamay na bakal din siya laban sa mga scammer.

Mahigit P700,000 umano ang perang nawala kay Canonigo.

Habang ang biktimang si Thelma Sumampong, nais na maibalik lang ang P577,000 na nainvest.

Kabilang sa mga kumpanyang nambiktima umano sa grupo ay ang Jacama, King Elise Marketing, Oedvil, Ponciano Coop, Dragon One, Betworks, at Shoppers.

Ipinakita rin ng nga biktima ang larawan ng mga sinasabing scammer.