ABS-CBN News

Zamboanga Del Norte: Ang pinakamahirap na lalawigan

Posted at | Updated as of 04/19/13 7:46 PM

Nangunguna ang Zamboanga Del Norte sa maituturing na pinakamahirap na lalawigan sa bansa. Sa datos ng National Statistical Coordination Board na inilabas nito noong 2009, nasa 52% ang family poverty incidence dito, pinakamataas sa lahat ng lalawigan sa bansa.

Sa tagal ng paghahari dito ng halos iisang pamilya sa pulitika, lubog pa din sa kahirapan ang lalawigan. May sagot dito si Congressman Romeo Jalosjos Jr. ng second district ng Zamboanga Sibugay.

“Hindi pa po sapat ang panahon ng inumpisahan namin dito. Hindi ganun kadali po ang mag-angat ng ekonomiya ng isang probinsiya. Hindi sapat lalo na kung hindi buong probinsiya ay kasama mo sa paglalakbay tungo sa progress,” sagot ni Jalosjos Jr.

Sa dalampasigan ng Dapitan ay ang monumento ng ating Pambansang Bayani, si Jose Rizal, paalala sa ganda at kahalagahan ng lugar na ito. Kuha ni Fernando Sepe Jr. para sa ABS-CBNnews.com

Mayroon naman daw nagawang mga proyekto ang kanilang pamilya para iangat ang kabuhayan ng kanilang mga kababayan sa Zamboanga Del Norte. Ang inumpisahan ng kanilang ama noong itinutuoly ng panibagong henerasyon ng mga Jalosjos ngayon.
“’Yung mga serbisyong binibigay mo it has to be at par even more to what he has given before,” ayon kay Congressman Frederick Seth ‘Bullet’ Jalosjos.

Nasa ikalawang termino ang batang Jalosjos at minana sa ama ang distritong hinawakan nito noon.

Pero ayon kay Dulce Ann Hofer, pinutol ng mga Jalosjos ang nasimulan nilang proyekto sa Zamboanga Sibugay noong sila pa ng kanyang ama ang namumuno sa lalawigan.

Tumatakbo ngayong halalan sa ikalawang distrito ng lalawigan si Hofer kalaban ni Jalosjos Jr.

“Ang daming hindi natapos, ‘yung airport na ginawa namin. ‘Yung rotonda naming hindi nagawa. ‘Yung ospital talaga ‘yung worst. Nu’ng natalo kami tinigil nila ang pag-construct ng ospital, hindi namin alam kung san nila dinala ‘yung mga materyales,” sabi ni Hofer.

Mga proyektong may anomalya?


Pero may mga proyekto mang nagawa sa sariling balwarte sa Dapitan City ang mga Jalosjos, tubog naman sa anomalya ang mga ito ayon sa nakaupong mayor ngayon na si Agapito Cardino.

Si Cardino ay nakaupong mayor ng Dapitan noong Enero nang patalsikin ng Korte Suprema si Dominador Jalosjos matapos mabuksan ang kaso nitong robbery na hindi niya napagsilbihan noon pang 1970s. Nakalaban si Cardino ni Dominador Jalosjos noong 2010.

Nabungkal ito ni Cardino at ngayon nabubungkal din niya sa city hall ng Dapitan ang mga maanumalyang proyekto.

Gaya sa isang tulay sa lungsod na idineklarang natapos at ginastusan ng milyun-milyon.

“That is a P19 million project which is reported as a finished project. But if you examine it, there is no bridge,” ayon kay Cardino.

Ginagawa na lamang na diving board ang naturang tulay.

Wala daw kasing check and balance kung umaabuso sa kapangyarihan. Paano’y iisang pamilya ang nakaupo sa lahat ng posisyon.

Pero ngayong halalan, babawiin ng mga Jalosjos ang posisyong naagaw ni Cardino. Si Rosalina Jalosjos Johnson ang tumatakbo at may kamay daw dito si Romeo Jalosjos, ayon pa kay Cardino.

“Ibig sabihin niyan, kapag naging mayor si Rosalina, si Nonong ang nag-dictate sa kanya wherever you go 'pag sinabi niya dito ka, dito ka. Kaya binabantayan na siya ni Nonong ngayon na kailangan ganito ang gagawin mo, nandito ako sa likod mo, huwag kang papalag sa akin,” sabi ni Cardino.

Jalosjos sa Misamis Occidental


Sa labas ng Zamboanga Peninsula, isa na namang Jalosjos ang unti-unti na ding nagtatayo ng kanilang sakop ng kapangyarihan.

Si Svetlana Jalosjos o Lana sa kanyang pamilya ay tumatakbong mayor ng Baliangao, Misamis Occidental. Kapatid ni Bullet Jalosjos si Lana.

Ang mga taga-Baliangao daw ang nag-alok sa mga Jalosjos na tumakbo sila doon. Mistulang political franchise na daw ang kanilang pangalang Jalosjos, ayon kay Lana.

“Kasi sila naman ‘yung naghahanap, kung pwede lang bilhin mo ‘yung brand name na Jalosjos, na kapag sinabi mong Jalosjos, magbabago ang sitwasyon sa lugar,” sabi ni Lana.

Ama niya ang humimok sa kanyang pumasok sa pulitika. Nagtapos ng Hotel and Restaurant Administration sa UP Diliman si Lana.

Ang mga negosyo na lamang sana ng kanilang pamilya ang aasikasuhin niya pero tinanggap daw niya ang hamon ng pulitika.

Sumisibol pa lang daw siya sa pultika at batid niya hawak ng mga botante ang kanilang kapalaran.

Ang kwento sa pulitika ng Zamboanga ay gaya din sa maraming bahagi ng bansa.

Marami ang gaya ng mga Jalosjos. Sa haba man ng kanilang panunungkulan, mga mamamayan pa din ng lalawigan o ng buong rehiyon ng Zamboanga Peninsula ang magtatakda ng kanilang kapalit sa kapangyarihan.

Sana lang sa darating na halalan, manaig ang tunay na kagustuhan ng mga taga-Zamboanga at maging sagrado ang kanilang boto.