Agawan ng pwesto sa Zamboanga

Ni Abner P. Mercado, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2013 03:16 PM | Updated as of Apr 18 2013 11:18 PM

Mula sa balwarte ng mga Jalosjos na Zamboanga Del Norte, unti-unti itong pumapasok sa mga karatig lalawigan sa Zamboanga Peninsula gaya sa Zamboanga Del Sur.

Pero ang binabangga ng mga ito na isa ding pader sa pulitika ng lalawigan ay hindi basta-basta ipaaagaw ang kapangyarihan.

Sa buong lalawigan ng Zamboanga Del Sur, sa bawat bayan dito nakakalat ang mga tarpaulin ni Dominador Jalosjos, ang nakababatang kapatid ni Romeo Jalosjos.

Nakadetalye sa tarpaulin na pinaghahanap si Jalosjos ng batas sa kasong robbery noong 1970. Ang sentensiyang dito ay hindi nito napagsilbihan na dating mayor ng Dapitan City na tatakbo sanang gobernador ng lalawigan.

Tangkang kuhanin ng mga Jalosjos ang puwesto sa pulitika mula sa Dapitan sa Zamboanga Del Norte...

Aminado si Governor Antonio Cerilles ng Zamboanga del Sur na siya ang nagpakalat ng mga tarpaulin. Ito’y bilang sagot sa mga Jalosjos na gumagawa lang siya ng kwento na may kasong kinakaharap si Dominador Jalosjos.

Mariin ang pahayag ni Governor Cerilles, ”Kasi sinasabi nila sinungaling daw ako. Nagpagawa tayo ng tarpaulin. Kung makikita ninyo, may case number, kalian nilabas, Korte Suprema at ‘yung pinaka-importanteng portion ng desisyon. Siguro naman maniniwala na ang mga tao.”

Sinadya ng gobernador na itapat sa panahon ng kampanya ang pagpapakalat ng mga tarpaulin para ipabataid sa mga tao ang kasong kinakaharap ni Dominador Jalosjos.

Jalosjos laban kay Cerilles

Walang makakalaban sa pagka-gobernador ng Zamboanga Del Sur si Cerilles ngayong halalan. Pero ang asawa nito na si incumbent Congresswoman Aurora Cerilles ng second district ay kinakalaban ng manugang ni Romeo Jalosjos na si Marjorie ‘Cat’ Jalosjos na asawa naman ni Congressman Romeo Jalosjos Jr. ng second district ng Zamboanga Sibugay.

Ito ang hindi maintindihang istilo ng pagpapalawak ng kapangyarihan ng mga Jalosjos.

“Dapat 'pag asawa ka, sumusunod ka sa husband mo. Bakit dito ka tatakbo sa del Sur?,” ayon kay Cerilles.

Ito ang ipinupukol na disqualification case sa mag asawang Jalosjos lalo na kay Cat na papasok pa lamang sa del Sur. Pero may sagot dito ang manugang ni Romeo Jalosjos.

“Regional Liga president ako kailangan may bahay din ako doon…so kailangan ko bumili ng bahay,” ayon kay Cat Jalosjos.

Hindi na daw bago ang ganitong taktika ng mga kalaban ng mga Jalosjos na nasisindak sa kanilang pagpasok sa mga lalawigang hindi naman nila dating nasasakupan.

Dating mayor ng bayan ng Tampilisian sa Zamboanga del Norte si Jalosjos Jr. bago ito pinatakbo ng kaniyang ama sa Zamboanga Sibugay noong 2010.

“Nakakatawa nga po eh lahat ng tinakbuhan o tinatakbuhan ng pamilya namin outside sa aming original territory, walang ginawa ang kalaban naming kung hindi mag-file ng disqualification case. Ako po tumakbong mayor, disqualification case ang hinarap nila. Nu’ng tumakbo akong congressman, disqualification case pa rin po ang hinarap ko. ‘Yung asawa ko po ngayon disqualification case pa din ang hinarap,” paliwanag ni Jalosjos Jr.

Buwelta ng mag-asawang Jalosjos sa kanilang mga kalaban, hayaan na lamang daw ang mga botante na magdesisyon kung karapat-dapat ba silang tumakbo sa halalan.

“Wala na ba kayong naiisip, hindi ninyo ba pwedeng ipagmalaki kung ano ang ginawa ninyo? Bakit pinipigilan ninyo ang tao na huwag tumakbo,” ayon pa kay Jalosjos Jr.

Jalosjos laban kay Hofer

Hindi naman mga Jalosjos ang talagang pumapasok sa mga balwarteng hindi naman dating kanila. Sila daw ang hinihimok ng mga tao na tumakbo.

...hanggang sa Zamboanga City sa katimugan. Mga kuha ni Fernando Sepe, Jr. para sa ABS-CBNnews.com

Ganito ang kaso sa Zamboanga Sibugay, ayon kay Romeo Jalosjos. Nasa kulungan pa siya nang puntahan siya ng mga mayor ng Zamboanga Sibugay para aluking magpatakbo ng sinuman sa kanyang angkan sa naturang lalawigan.

Bantulot pa noong una si Romeo Jalosjos sa alok na ito noon pero nahimok din siya at pinagbigyan ang alok.

“’Yung isang anak ko, sinabihan ko tumakbo kang congressman. Long story short, nanalo kami and we captured Sibugay.”

Pinauwi ni Romeo Jalosjos ang isang anak nito mula sa Australia na si Rommel.

Australian citizen ito pero napapayag ng ama na tumakbo sa pagka-gobernador ng Zamboanga Sibugay para tapatan ang mga Hofer. Nakisalamuha na muna daw sa mga tao.

Pumapasok na si Rommel Jalosjos sa kaniyang ikalawang termino bilang gobernador ng Zamboanga Sibugay. Kahit tinalikuran nito ang pagiging Australian, wala daw siyang pinagsisisihan. Nais lang daw niyang suklian ang pagtitiwala ng mga taong nagluklok sa kaniya sa kapitolyo.

“Wala silang utang na loob kami ang may utang na loob sa kanila, they deserve it, public servants po kami eh. Public servants will not be voted kung hindi talaga tayo magserbisyo,” dagdag ni Rommel Jalosjos.

Muling nagbabalik sa pulitika ang mga Hofer at tumatakbo sa ikalawang distrito ng Zamboanga Sibugay si Dulce Ann Hofer laban sa incumbent na si Congressman Romeo Jalosjos Jr.

Tinalo ni Rommel Jalosjos noong 2010 sa pagka-gobernador si Hofer. Ayon kay Hofer, sa likod ng kanilang labanan sa pultika ang sukatan ngayon ay kung ano na nga ba ang nagawa ng mga Jalosjos sa kanilang lalawigan na pinasok ng mga ito.

Pinutol ng magkapatid na Jalosjos ang mga naging proyekto nila ng kanyang amang gobernador noon ng Zamboanga Sibugay.

“Ang ginawa nila ‘yung first tranche kaagad ng naka-upong representante dito P20 million nilipat kaagad sa Dapitan,” malungkot na pahayag ni Hofer.

Hinigop daw ng magkapatid na Jalosjos ang mga pondo na dapat na napakainabangan nila.

“Another P20 million nilipat kaagad sa Zamboanga del Norte third district. Tapos ‘yung kanilang swimming pool sa Dapitan P30 million kaagad galing sa probinsiya ng Zambonga Sibugay,” paliwanag pa ni Hofer.

Ang tinutukoy ni Hofer na partikular na mga pondong ibinuhos ng magkapatid na Jalosjos ay ginamit sa mga pasilidad nang idinaos ang palarong pambansa sa Dapitan City noong 2011. Hindi naman ito itinanggi at inamin ni Romeo Jalosjos na may kamay siya sa paggalaw sa mga naturang pondo.

“Walang pera ang Dapitan, tinawagan ko ko ‘yung mga anak ko si Governor Rommel, pwede ka ba, can this pass in your provincial council pagbigyan ng pera. ‘Yung mga congressman ko, ang mga CDF niyo alam ko may programa na ‘yan tanggalin ninyo lahat ‘yan, dalhin ninyo sa akin lahat,” ayon kay Romeo Jalosjos.

Sa tungaliang ito sa pulitika ng mga nagbabanggaan sa Zamboanga Peninsula, mga mamamayan pa din ang maghuhusga sa darating na halalan kung Jalosjos o mga kalaban nito ang iluloklok sa pwesto.