Hagedorn: Palawan blasts not terrorism

Hazal Salas at Alpha Dellosa, ABS-CBN Palawan

Posted at Apr 06 2012 11:15 AM | Updated as of Apr 07 2012 07:54 PM

PUERTO PRINCESA, Philippines - Pulitika o may kinalaman sa negosyo ang nakikitang dahilan ni Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn matapos ang insidente ng pagsabog sa terminal ng isang bus liner sa Bgy. San Jose pasado alas singko kahapon (Abril 5).

Hindi umano siya naniniwalang terorista ang may pakana nito.

Ayon naman sa mga nakasaksi na tumangging humarap sa camera, galing umano sa bayan ng Bataraza ang nasabing bus at papunta sana ng Puerto Princesa. Isang babae umano ang sumakay mula sa Rio Tuba na may dalang sako ng bigas.

Nang makarating ito sa terminal sa Puerto Princesa, bigla na lang umanong sumabog ang sako ng bigas. hindi na nila nakita ang babaeng nagkarga nito matapos ang insidente.

Tulad ni Mang Ignacio Rondina na nakaparada sa di kalayuan, paalis na daw sana sya ng mangyari ang pagsabog. Maswerte na lamang at konting galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang kaniyang tinamo.

Masusi pa ring iniimbestigahan ng mga otoridad ang insidente para makatiyak kung anong uri ng pampasabog ang ginamit at matunton kung sinong may pakana ng pagsabog.

Pagsabog sa El Nido

Samantala, kinumpirma ng Palawan Provincial Police Office (PPO) ang naganap na pagsabog sa Bgy. Masagana sa bayan ng El Nido alas singko kahapon.

Ayon sa tagapagsalita ng PPO na si Police Insp. Grace Vic Gomba, isang bomba umano ang inilagay sa loob ng basurahan sa tapat ng isang resort.

Sugatan naman sa nangyaring pagsabog si Aiza Martinez na magtatapon sana ng basura. Dinala sa ospital ng Palawan sa lungsod ng Puerto Princesa si Martinez.

Hindi naman inaalis ng mga otoridad ang posibilidad na pakana ito ng ilang makakaliwang grupo. Iniimbestigahan pa rin ng mga otoridad ang insident at kasalukuyang pinag- aaralan kung anong uri ng pampasabog ang ginamit at kung anong grupo ang nasa likod nito.

Naka-double full alert naman ang mga pulis sa buong lalawigan dahil sa nangyari. Sa Biyernes, nakatakdang maglabas ng opisyal na resulta ng imbestigasyon ang mga pulis.