Lalaki, nabaon sa utang dahil sa illegal recruiter

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2015 12:33 AM | Updated as of Nov 04 2015 01:35 AM

Nangarap mangibang bansa si Jeric para maipagamot ang tatay niyang may sakit sa bato, pero naloko siya ng illegal recruiter kaya lalo pang nabaon sa utang ang kanyang pamilya. Abangan ang bagong layuning ito na tututukan ni Julius Babao sa #MissionPossible, Lunes, 4:30pm sa ABS-CBN!

Posted by Mission Possible on Friday, October 30, 2015

Nangarap makapagtrabaho sa ibang bansa si Jeric Villedona dahil ito ang nakikita niyang paraan para maipagamot ang amang may sakit sa bato. Pero, naloko siya ng illegal recruiter kaya imbes na guminhawa, lalo pang nabaon sa utang ang kanyang pamilya.

“Para akong pinagsakluban ng langit at lupa. Paano ko ngayon mabibigyan ng magandang buhay ang pamilya ko?” ani Jeric.

Umabot sa halos P100,000 kasama ng mga personal na dokumento ni Jeric ang nakuha ng illegal recruiter. Kaya nalubog sa utang ang kanyang pamilya at natatakot din siyang baka magamit sa masamang paraan ang kanyang mga dokumento.

Bukod dito, hindi na rin niya alam kung saan kukuha ng pampagamot ng kanyang Tatay Nilo na dalawang beses kada linggo kailangang sumailalim sa dialysis.

At dahil hindi natuloy sa ibang bansa si Jeric, kahit na may sakit si Mang Nilo, kailangan pa rin niyang magtrabaho bilang katiwala sa sementeryo sa kanilang lugar. “Inaalala ko yung pang gastos namin at pang dialysis. Kung hindi ako magtatrabaho, saan naman kami kukuha?”

Nahuli sa isang entrapment operation ang recruiter na nanloko kay Jeric at sa mga kasama niya pero hindi na nila nabawi ang pera.

Samantala, sa tulong ng autoridad, nabawi naman ni Jeric ang passport at ang iba pa niyang mga personal na dokumento.

Sa pagkakabawi ng passport ni Jeric, nawala ang kanyang pangamba na magamit ito sa masamang paraan at nabuhay ang kanyang pag-asa na posible pa ring makapangibang bansa para sa kanyang pamilya.

Sa tulong ng Philippine Overseas Employment Administration o POEA, nabigyan siya ng tamang kaalaman para hindi na maulit ang mapait na karanasan sa illegal recruiter.

Sa mga susunod na araw, hindi na kailangang mag-alala ni Jeric sa pangangailangang medical ng kanyang ama na may sakit sa bato dahil sagot ni Joel Cruz ang mga susunod na 12 sessions ng dialysis niya at sagot naman ng Sagip Kapamilya ang mga gamot.

Kaya ngayon, magkakaroon ng pagkakataon si Jeric na maibalik ang kanyang tiwala sa sarili at matupad ang kanyang pangako sa mga magulang.