Taxi driver arestado sa tangkang panghahalay ng bata

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2016 08:54 AM

MANILA - Inaresto ang isang taxi driver matapos umanong pagtangkang halayin ang isang Grade 5 student na pilit umano niyang isinakay sa kanyang taxi sa Antipolo.

Naglalakad umano pauwi ang biktima pagkatapos magtinda ng tinapa sa highway sa Barangay Mayamot nang tumigil ang taxi na minamaneho ni Harry Soriano.

Humingi umano ng direksyon si Soriano sa bata at pilit itong isinakay sa kanyang taxi para ituro ang pupuntahang lugar. Nangako rin umano siyang ihahatid pauwi ang biktima.

Pero imbes na sa bahay ng biktima, sa talahiban ng isang subdibisyon sa Barangay Muntindilaw ipinarada ng suspek ang taxi.

Tiyempo namang may nagrorondang mga tanod at pulis na nagtaka sa kinaroroonan ng sasakyan kaya sinilip nila ito.

Ayon sa tanod na si Roberto Tiamson, nakita nila ang biktima na nakasiksik sa isang sulok ng sasakyan at wala nang damit pambaba.

Agad naman nilang dinampot si Soriano.

Pagdating sa istasyon ng pulis, tumangging magpakuha ng fingerprint at mug shot ang suspek at itinangging ginalaw ang biktima.

Lumabas naman sa medico-legal examination na negatibo sa rape ang biktima.

Sa kabila nito, kakasuhan pa rin ng attempted rape at child abuse si Soriano. -- Ulat ni Primy Cane, ABS-CBN News