Lalaki, patay sa pananambang sa Quezon City

Zandro Ochona, ABS-CBN News

Posted at May 16 2016 08:39 PM

Driver's license ng nasawing biktima.

Nasawi na ang isa sa tatlong nasugatan sa pananambang ng armadong suspek na naka-motorsiklo sa kanto ng East Avenue at BIR Road sa Barangay Pinahan, Quezon City ngayong Lunes.

Kinilala ni police Senior Insp. Elmer Monsalve ang nasawi na si Atty. Ferdinand Lopez, base sa nakuhang ID ng Integrated Bar of the Philippines.

Pero sinabi rin ni Monsalve na beniberipika pa nila kung siya nga ang nasawi at kung totoo ngang abogado ito.

Kapareho naman ang pangalan na nakalagay sa kanyang driver's license.

Nagtamo ng tama sa dibdib at sa tagiliran ang biktima na naitakbo pa sa East Avenue Medical Center pero idineklara ring dead on arrival.

Sugatan din ang dalawa pang kasama ng biktima na kinilalang sina Richard Solis na nagmamaneho ng kotse at si Jericho Ricafort na nakasakay sa likod.

Inaalam din kung saan galing at saan papunta ang mga biktima na sakay ng kulay violet na Honda Civic na may plakang PHI 723.