Metro Manila, 'di na umano matitirhan sa 2020 dahil sa trapik

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2016 10:35 AM

Perwisyo ang inaabot ng mga commuter dahil sa tindi ng traffic at mga aberya sa tren, na kapag naglala ay posibleng umanong maging dahilan upang hindi na matirhan ang Metro Manila sa taong 2020.

Kabilang sa mga umiinda ng problem sa trapik si Perla Suan, na nagbahagi ng kanyang karanasan sa harap ng mga tumatakbong pangulo noong ikatlong PiliPinas Debates.

Anim na oras ang inilalaan ni Suan, na isang single parent, sa biyahe papunta at pabalik ng trabaho.

Nakakaltasan din siya ng P500 hanggang P1,000 tuwing mala-late sa trabaho.

Naniniwala ang National Center for Commuter Safety and Protection (NCCSP) na dapat gawing prayoridad ng susunod na Pangulo ang isyu ng trapik.

May malaking epekto anila sa bigat ng trapiko sa Maynila ang simpleng aksidente sa daan at aberya sa mga tren. Dagdag pa rito ang pagtaas ng car sales sa bansa kumpara noong 2015.

Ayon naman sa administrasyon, ginawa naman nila ang makakaya.

Nagdagdag na umano ng mga bagon at nagsimula nang pahabain ang railways at paabutin ang mga ito sa mga karatig bayan ng Metro Manila.

Nagpapatupad na rin umano ng reporma sa Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa kabila nito, patuloy ang babala ng NCCSP na kung hindi mapapabuti ang mga kalsada at imprastraktura, maaaring hindi na matirhan ang Metro Manila sa loob ng apat na taon.

Dagdag pa ng mga commuter, nais nilang maramdaman ang mga solusyon ng gobyerno sa lalong madaling panahon, habang hindi pa nagiging isang malaking parking lot ang rehiyon.

- Umagang Kay Ganda, 26 Abril 2016