PANOORIN: Bus at closed van, naggirian sa C5 Libis

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2016 12:21 AM

 

Girian ng bus at close van, along c5 libis.Bus and Truck owners, ganyan ang ginagawa ng mga drivers niyo pag nasa kalye!

Posted by Edwin Hidalgo on Thursday, March 31, 2016

MANILA - Kumakalat ngayon sa social media ang video ng isang bus at closed van na naggirian sa may C5 Libis northbound.

Makikita sa video na kuha mula sa dashboard camera ni Edwin Hidalgo na ilang beses ginitgit ng isang Alps bus na may plakang TYK 466 ang isang closed van. 

Matapos ang girian, makikita kung paano dinuro ng drayber ng van ang bus. Maya-maya pa, hinabol ng closed van ang bus sa may C5 flyover at nahagip ang kanang side mirror ng bus.

Nakuha ang video noong Huwebes at naging viral nang mai-post sa Facebook page ng Top Gear Philippines.

Sa panayam ng dzMM, sinabi ni Hidalgo na galing siya sa Green Meadows nang naabutan niya ang pangyayari.

"Nagulat kami ng misis ko, biglang yun nga, naggigirian na sila," ani Hidalgo. "Siguro baka doon pa lang sa malayo pa lang, ganun na yung nangyayari."

Makikita rin sa simula nang video kung paanong muntik nang i-cut ng closed van ang sasakyan ni Hidalgo. "Bumusina pa ako," aniya.

Nangako naman ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na iimbestigahan ang pangyayari.

"Kinuha namin kaagad yung plate number ng dalawang sasakyan at ipapatawag namin kaagad yung Alps," sabi ni LTFRB Board Member Ariel Inton sa panayam ng DZMM.

Dagdag ni Inton, ang insidenteng ito ang nagpapatunay na kailangang malaman ng publiko kung ano ang panuntunan pagdating sa pagmamaneho at pagbibigayan sa kalye.

"Dapat siguro simula pa lang tinuturuan ng road courtesy, traffic regulation, dahil ang nangyayari, kapag humawak ng manibela, doon pa lang natututo."

Binatikos rin ni Inton ang bus driver ng Alps sa insidente. 

"Iba yung takbo ng utak niya: nakikipagkarerahan siya, kayabangan. Hindi niya alam na napakalaking disgrasya ang mangyayari. Yang ginagawa niya, malaking disgrasya ang pwedeng mangyari sa kanila diyan," aniya.