Poste bumagsak sa tricycle, pasahero patay

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2010 08:32 AM | Updated as of Feb 13 2010 04:33 PM

MANILA, Philippines - Patay ang pasahero ng isang tricycle nang mabagsakan ng poste ng Meralco sa Tandang Sora, Quezon City, Biyernes ng gabi.

Ayon sa pulisya, bumagsak ang poste na nakatayo sa Banlat Road, Tandang Sora, matapos sumabit ang isang dumadaang dumptruck na may plakang RSD 754 sa kable nito.

Nahagip ng konkretong poste ang isang dumadaang tricycle na nagresulta sa pagkamatay ng pasahero nito na si Kevin Lim. Sugatan naman ang drayber ng tricycle na si Adonis Reyes.

Ayon kay Lito Camado, drayber ng dumptruck, galing sila ng Antipolo sa probisya ng Rizal at papunta sa Mindanao Avenue para magdeliver ng buhangin. Hindi umano nila napansin na sumabit ang dumptruck sa kawad ng kuryente.

Naghihinagpis ang mga kapatid at magulang ni Kevin. Sa sama ng loob, hindi na nagpaunlak ng panayam sa media ang mga kaanak.

Agad namang dumating ang mga tauhan ng Meralco upang iligpit ang poste, pansamantalang pinutol ang supply ng kuryente sa lugar upang hindi na makadisgrasya pa.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property si Camado.