PNoy open to talks with Corona

Posted at Dec 07 2011 11:01 PM | Updated as of Dec 08 2011 07:01 AM

Dumating sa Malacañang si Court Administrator Midas Marquez kahit sariwa pa ang ginawang pagbatikos ni Pangulong Aquino sa Korte Suprema at kay Chief Justice Renato Corona.

Tiyempong pagsasaayos ng gusot ang tema ng okasyon: Ang pagkilala sa mga natatanging lupong tagapamayapa ng mga barangay, kung saan bahagi ang Korte Suprema sa pagpili ng mga nanalo.

Sa isang interview, sinabi ng pangulo na bukas siya na tanggapin ang alok ng mga obispo na mamagitan sa kanila ni Corona, pero hindi pa rin daw siya mapipigilan na magreklamo tungkol sa mga desisyon ng Korte Suprema na hindi siya sang-ayon.

“Andaming kuwestiyunable at tiis na lang nang tiis. Hindi yata 'yon 'yung nakasaad sa Saligang Batas. Kaya nga may checks and balances, 'yung kung may palagay kaming mali, ay dapat namang tutulan,” naging pahayag ng pangulo.

Hindi naging direkta ang sagot ng pangulo nang tanungin kung pangungunahan niya ang mga hakbang para ma-impeach si Corona, at kung uutusan niya ang mga kaalyado sa Kongreso na suportahan ang hakbang sakaling mangyari ito.

Sa halip, sinabi niyang, "I do not tell you my plans or anybody else. Puwede bang sabihin ko na lang na nag-umpisa ako sa mga tanong, at medyo parami-rami itong mga tanong na tila walang katugunan, walang sagot.”

Ang tiyak, tuloy ang pagpapanagot sa umano'y mga nagkasala sa bayan.

Naniniwala naman ang Palasyo na suportado ng taumbayan ang pangulo.

Pahayag ni DOJ Secretary Leila de Lima, "It may be questionable, let’s say to most of the members of the legal community, but sa pangkalahatan, lalo na sa interes ng karamihan, acceptable eh.”

Lumalabas na mas mahalagang batayan para sa administrasyon ang sinasabing opinyon ng taumbayan, kahit mapulaan pa ng mga eksperto sa batas at ng ibang hindi sumasang-ayon sa kanila. Willard Cheng, Patrol ng Pilipino