ALAMIN: Coronary heart disease

Pia Regalado, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2016 02:19 AM

Mahilig ka ba sa pagkaing mataas sa kolesterol tulad ng fast food, processed meat, at iba pa? Babala dahil maaaring magkaroon ka ng coronary heart disease.

Sa programang "Magandang Gabi Dok," ipinaliwanag ng adult interventional cardiologist na si Dr. Hermogenes Saludes na ang coronary heart disease ay nangyayari dahil sa deposito ng taba sa arteries o daluyan ng dugo sa puso.

"To put it simply, ang coronary heart disease ay pagkakaroon ng dahan-dahang pagka-deposit ng taba, cholesterol na nagiging plaque eventually in such a way na mas makipot na ang daluyan ng dugo papunta sa muscles ng heart."

Dahil sa pagsikip ng daluyan ng dugo at pagbuo ng placque sa arteries o atherosclerosis, nagkakaroon ng angina o ang paninikip at pagbigat ng dibdib. 

Ngunit banggit ni Saludes, dahan-dahan ang pagsikip ng daluyan ng dugo. Maaari pa aniya ito tumagal ng dekada bago tuluyang maramdaman ang epekto.

Sa ibang matatanda na o may diabetes, maaaring hindi maramdaman ang angina ngunit posibleng makaranas ito ng acid reflux, pananakit ng batok, pananakit ng ngipin, o iba pang sintomas na tinatawag na anginal equivalent dahil sintomas din ito ng problema sa puso.

Aniya, kahit na anong sakit mula sa batok hanggang sa sikmura ay posibleng senyales na ng paninikip ng daluyan ng dugo sa puso dahil sa plaque.

Ang plaque, o ang cholesterol deposits sa arteries, ay maaaring makasugat sa daluyan ng dugo, dahilan para mamaga ang ugat dito. Bagama't maghihilom pa iyon, mapapalitan na ito ng peklat.

Bukod sa angina, maaaring humantong din ang coronary heart disease sa heart attack, na maaaring ikamatay ng isang pasyente.

Kaya payo ni Saludes, maging maingat sa kinakain at huwag kakalimutang mag-ehersisyo.

"Hindi naman ho bawal maging masaya, kailangan lang you should take everything in moderation."