ALAMIN: Mga 'pang-akit ng swerte' at 'iwas-malas' sa bagong taon

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2017 10:13 AM | Updated as of Dec 31 2017 10:53 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Para swertehin sa pagsalubong sa Year of the Earth Dog at makaiwas sa malas, may mga prutas umanong hindi dapat ihanda at mga gawain na dapat iwasan, ayon sa isang feng shui expert.

Ayon kay Dr. Andy Tan, tama ang nakaugalian na maghanda ng 12 klase ng prutas sa bagong taon. Kumakatawan daw ito sa 12 buwan sa isang taon at ang bilog na prutas ay sumisimbolo sa gulong ng palad na paikot-ikot lang.

Maswerte raw ang mga prutas tulad ng kiat-kiat o mandarin oranges, pero dapat daw ay pinapagulong ang mga ito papasok ng bahay imbes na inihahagis palabas. 

"Walang papasok na swerte, puro waldas, puro gastos," ayon kay Tan.

Dapat rin daw iwasan ang paghahanda ng mga prutas tulad ng rambutan na tila may tinik, pati na rin ang saging.

Ayon kay Tan, ang piling daw kasi ng saging, kapag binaliktad, ay parang palad na humihingi o namamalimos. 

Pero ayos lang daw ang maghanda ng pinya dahil bukod sa may "korona" ito, ang salitang pinya sa Chinese ay kasing tunog ng swerte. 

Nagbabala rin si Tan sa mga taong imbes na 12 klase ng prutas ang inihahanda ay ginagawa pa itong 13, para daw sa 13th month pay.

Ayon kay Tan, batay sa numerology ng feng shui, ang numerong 13 ay binubuo ng "1" at "3" na pag pinagsama mo ay "4" na sa wikang Chinese ay kasing tunog ng salitang "patay."

"Yung swerte mo nandun lang sa apat na kanto, hindi uunlad ng mabilis."

Swerte umano sa parating na taon ang direksyon na "South-East", kaya para mas makaakit ng swerte, dapat daw na sa bandang southeast ng hapag kainan ilagay ang tray o bilao ng 12 klase ng prutas. 

Pang-akit din sa swerte ang paglalagay ng pulang envelope na may lamang walong coins ng lumang limang piso na kulay ginto. Ang ginto raw ay kumakatawan sa pag-unlad habang ang numerong "8" naman ay simbolo rin ng "infinity" o walang katapusan. Ayon kay Tan, ibig sabihin nito ay walang katapusan na pag-unlad. 

Kung wala namang 8 piraso ng 5-peso coins, pwede rin daw ang 25 centavo coins dahil kulay ginto rin ito. Pero mas mainam daw na gawin 18 piraso ng beinte singko ang ilagay sa envelope.

Ilalagay din daw ang envelope katabi ng tray na may lamang prutas. 

Pagkatapos salubungin ang bagong taon, mainam din umano na ihalo ang mga prutas sa malalagkit na panghimagas tulad ng tikoy at kalamay. Sumisimbolo daw ito sa malagkit na swerte at mas malakas na ugnayan sa pamilya at mga kaibigan.

Hindi rin ipinapayo ni Tan na gumamit ng paputok sa bagong taon. Bagamat nakaugalian na ng mga Pinoy na gumamit ng paputok para itaboy ang malas sa nakaraang taon, hindi naman daw ito nakakaakit ng swerte. 

"Hindi mo wine-welcome yung magandang energy, para bang itinataboy mo pa," sabi ni Tan. 

Imbes daw na magpaputok ay mag-alay na lang ng taimtim na pagdarasal at panalangin na sana ay bigyan tayo ng matiwasay na bagong taon.

"Yun ang mas effective," dagdag ni Tan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.