Ano ang mga tinitiis ng OFW tuwing sasapit ang Pasko at Bagong Taon?

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 07:30 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Gaano nga ba kahirap ang dinaranas ng mga overseas Filipino worker (OFW) tuwing sasapit ang Pasko at Bagong Taon na malayo sila sa kanilang pamilya? 

Para kay Leonardo Aguado, minamasdan na lamang niya ang larawan ng pamilya ngayong papaalis siya sa bansa upang magtrabaho sa Saudi Arabia bilang welder.

"Masakit sa akin 'pag ako naalis . . . napapaluha na rin ako. Iyong kalooban na iwanan ang mga anak niyo na bata pa tapos tatawagin, 'Papa, papa nasaan ka?' Napakasakit bilang ama," ani Aguado.

Sa kaniyang byahe, babaunin daw niya ang tuwa na hindi kayang ikahon sa bagahe: Ito'y mga alaalang magpapalakas sa kaniya sa pagharap sa Bagong Taon.

Si Cynthia Salazar naman, sa video chat na lang nakakausap ang pamilya. 

Higit isang dekada na siya sa Jeddah, kung saan siya nagtra-trabaho sa isang opisina. 

"Malungkot kasi magtatapos na ang taon, ako na naman mag-isa . . . Pero 'pag nakikita ko sa Facebook na masaya sila, OK na . . . Kung pwede lang lumipad papuntang Pilipinas," kuwento ni Salazar.

Gaano man daw katindi ang pagtitiis sa ibang bansa, lahat mawawala kapag nahagkan na ang pamilya. 

Si Janette Francisco, anim na taong nalayo sa piling ng ina matapos magtrabaho sa Canada.

"Masayang masaya [ako kasi] after six years nakauwi . . . Walang kasing hirap iyong [pinagdaanan ko] kasi live-in caregiver ako," ani Francisco.

"Diyos ko, masayang masaya po. Iyong araw kung puwede nga lang hilain mo . . . Anak, kung maaari nga lang huwag ka na umalis," nagagalak na pagkukuwento naman ni Fely, ina ni Janette.

Ilan lang sila sa mga mukha ng libu-libong Pilipino na nagsasakripisyo para sa kinabukasan ng kanilang pamilya.

--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.