ALAMIN: Tips para 'magsunog' ng kinain sa Bagong Taon

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 12:03 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Muli na namang sasalubungin ang pagpasok ng Bagong Taon at kasabay nito ang masaganang hapunan sa bisperas.

Dahil tiyak na ang pagbaha ng masasarap na pagkain sa pagsalubong ng marami sa Bagong Taon, may mahigpit na paalala ang Department of Health sa publiko.

“Huwag din nating gawing excuse ‘yan sa mga kasamahan natin na 'Sige kain ka lang, ano naman ngayon e Bagong Taon.' Hindi dapat. ‘Yung ginagawa nating plato na mayroon tayong sukatan, ‘yung one fourth ng ganito o ganitong kulay na ginagamit natin sa nutrition, gano’n pa rin dapat,” ayon kay Lyndon Lee Suy ng DOH. 

Sabi pa ni Lee Suy, dapat balanse ang protina at taba sa dami ng gulay, isda, karne, at prutas na kakainin.

Ang pag-inom naman aniya ng softdrink ay dinodoble lang ang naiipong asukal sa katawan kaya dapat palitan ng tubig.

Sa mga taong may maintenance medicines na, nagpaalala ang DOH na iwasan pa ring kumain ng mga bawal.

Paalala din ng DOH, huwag magpakalunod sa alak dahil lang sa may okasyon.

Ugaliin din anila ang pag-eehersisyo na maaaring simulan sa pagpasok ng bagong taon para matunaw ang mga tabang naipon sa katawan ngayong holiday season.

Puwedeng isingit ang kahit 10 o 15 minutong exercise para hindi bumigat at feeling fit pa rin ang katawan. 

Skipping rope exercise

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isa naman sa mga pinakaepektibong workout ang skipping rope na nakaka-burn ng hanggang 150 calories sa loob ng 10 minuto.

Puwede rin itong gawin kahit sa loob ng bahay at nawo-workout ang binti, abs, at braso. 

Maraming uri ng pagtalon gaya ng single jump habang puwede ring mag-switch sa double step kapag napagod. Mayroon ding sabay ang dalawang paa sa pagtalon at jogging move.

Maaaring sundan ang skipping rope routine ng plank workout para maging firm at sexy ang abs.

May iba’t ibang plank din para ma-workout ang upper at lower abs pati obliques.

Huwag ding kalimutan ang kahit tatlong minuto ng stretching bago tapusin ang workout.

Makatutulong kung may kasama para ma-push at mas malalim ang stretch.

Parang masahe sa muscle ang epekto ng stretching kung saan nare-relax at gumiginhawa ang pakiramdam. 

-- Ulat nina Sherrie Ann Torres at Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.