Lalaking dating nagdodroga, nagbagong-buhay dahil sa programa ng DepEd

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2017 08:23 PM

Nabigyan ng pagkakataong magbagong-buhay ang isang lalaking dating nalulong sa droga sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education.

Dalawampu't-isang taong gulang na ngayon si "Mark". Ayon sa kanya, 18 taong gulang siya nang mapabarkada. Dito na rin siya nalulong sa droga.

Dahil nanggaling sa isang broken family, sa droga umano siya nakahanap ng ginhawa mula sa mga dinanas na problema.

Isa si Mark sa mga boluntaryong sumuko sa malawakang kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga.

Naging tulay niya ang ALS para makapagbagong-buhay.

"Mas inuna ko na po na mag-aral po para gumanda po iyong aking kinabukasan. Nalaman ko po mula po noong pumasok po uli ako nagbago po ang pananaw ko sa buhay," aniya.

Ayon kay Marissa Bernal, ALS coordinator sa bayan ng Lemery sa Batangas, nabibigyang pag-asa ng programa ang mga dating hindi nakapagtapos sa pag-aaral.

"Sa ALS, may pag-asa, so iyon ang aming pag-encourage sa mga eskwela na hindi porke mahirap ka ngayon forever ka nang mahirap. Kung pupunta ka kay ALS, andito kami para sa inyo para gumabay," aniya.

Ngayon ay nagtatrabaho si Mark sa isang shopping center sa Lemery.

"Nagpapasalamat po ako sa ALS. At sa mga kapwa ko pong kabataan na naligaw po ng landas, huwag po kayong mawawalan ng pag-asa," aniya.

Nasa huling hakbang na ng pagtatapos sa ALS si Mark. Hinihintay na lamang niya ang resulta ng accreditation at equivalency test na lalabas sa susunod na taon.

Kung papalaring makapasa, balak umano ni Mark na ipagpatuloy ang pag-aaral sa senior high school para maitaguyod ang kanyang mga kapatid at pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.