'Oras, kalinga, pinakamagagandang regalo ngayong Pasko'

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 12:15 AM | Updated as of Dec 26 2017 12:49 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Maraming mga bata ang namasko ngayong araw sa kanilang mga ninong at ninang at karaniwang regalong natatanggap nila ang mga laruan, damit, at malulutong na pera.

Pero kung may pinakamagandang regalo na maaaring maibigay ngayong Pasko, ito ang pagbabahagi ng oras at atensiyon sa mga tao, kapamilya man o hindi. 

Tulad na lamang sa Handicapped Center Lourdes, Inc. sa Pandacan, Maynila na tahanan ng mga inabandonang batang may kapansanan kung saan tila araw-araw ay Pasko bagaman tahimik at walang magarbong dekorasyon sa paligid.

Limang volunteers kasi ang piniling maging ina ng mga bata rito na kung hindi bulag, pipi, at bingi ay may diperensiya sa katawan o kaya'y kapos sa pag-iisip, at may malubha pang karamdaman.

Isa sa mga volunteers ang gurong si Veron de Lima na 22 taon nang naglilingkod at dinapuan na ng sakit na lupus sa matinding pagod.

Pero di aniya niya iiwan ang mga alaga at tuloy lang sa paglalaan ng oras at pagmamahal sa kanila.

"Ito na 'yung family ko... 'pagka nandiyan na, hindi mo puwedeng hindian. Ise-set aside mo needs mo. Sila muna," ayon kay De Lima.

Samantala, nang masalanta naman ng bagyong "Urduja" ang ilang lugar sa Eastern Visayas kamakailan, nagdoble-sipag ang mga nakatatandang volunteer ng Tzu Chi Great Love Compound sa paglilinis ng plastic bottle at iba pang recyclable materials.

Ito'y para mas marami silang maibenta at maipadalang relief goods sa mga nasalanta bilang regalo ngayong Pasko.

Ginawa ring kumot at damit ng Tzu Chi Foundation ang ibang bote na nalinis nila, na agad nilang ipinamigay sa mga nasalanta.

Hindi naman materyal kundi ngiti lamang at pagmamahal ang tanging hiling nila ngayong Pasko.

"Ngitian lang kami, masaya na ako," sabi ng 78 anyos na volunteer na si Vangie Sarmiento.

"Mahalin kaming mahihirap," ayon naman sa 81 anyos na si Josie Fua.

Ayon kay Father Jerome Marquez, bonus na lang kung tutuusin tuwing Pasko ang regalong materyal.

Sabi niya, pagpapatawad, pagpapasaya, at pagbibigay ng oras at atensiyon sa mga tao sa paligid mo, kapamilya mo man o hindi, ang tunay na mensahe ng Pasko.

Higit sa lahat, ang Pasko aniya ay para sa pagsasama-sama ng pamilya.

"Humanap ng oras at panahon na makapagdasal, lalo na ang isang pamilya," ayon kay Marquez.

Pero kung mag-isa lamang at nais mapuno ng pagmamahal ngayong Pasko, ang kailangan lang anilang gawin ay buksan ang puso sa mga nangangailangan, lalo na sa mga bata.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.