Libo-libong pamilya, nag-Pasko sa amusement parks, malls

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 11:39 PM

Enjoy ang libo-libong pamilyang nagdiwang ng Pasko sa amusement parks, mga liwasan, at malls.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mahaba man ang pila sa rides, hindi ito alintana ng mga mag-anak.

Tinatayang aabot sa 70,000 ang bilang ng mga pamilyang pumasyal sa amusement park na Star City, ayon sa pamunuan nito.

Mahaba man ang pila sa rides, hindi ito alintana ng mga mag-anak.

Patok sa mga chikiting ang Snow Land, Bumper Car, at Horror House.

Pinilahan naman ng teenagers ang makapigil-hiningang rides gaya ng Star Flyer at Giant Ferris Wheel.

Mayroon ding mga kainan sa loob ng amusement park kaya tiyak na hindi magugutom ang mga namamasyal.

Nag-Pasko sa amusement park ang pamilya ni Angela Caballero kasama ang kanilang inang overseas Filipino worker na nagbalikbayan mula sa Dubai.

Anila, parte na ng Paskong Pinoy ang pagpunta sa mga amusement park para mag-bonding.

Bukas ang theme park hanggang alas-2 ng madaling araw.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Napuno rin ng mga namamasyal ngayon Pasko ang Sky Ranch sa Tagaytay City.

Ilan sa mga sikat at pinipilahang rides doon ay ang Sky Eye, na isa sa mga pinakamataas na ferris wheel sa buong bansa.

May taas itong 63 meters, kaya naman kitang-kita ang mga magagandang tanawin sa Tagaytay.

Para naman sa mga gusto ng mas exciting na ride, patok ang ride na Super Viking na atras-abanteng dumuduyan sa taas ng hanggang 90 degrees.

Mayroon ring zipline na may habang 300 meters, kung saan kitang- kita naman ang Taal volcano at lake.

Para naman sa mga gusto lang mag-relax, puwede ring mag-horseback riding.

Dahil sa dami nga ng mga nagdiwang ng Pasko sa Tagaytay ay naging mabigat ang trapiko papunta roon.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Marami ring pamilya ang nagdiwang ng Pasko sa malls.

Tulad na lang ng Mall of Asia sa Pasay na pinasyalan ng mga mag-anak na nag-shopping sa araw ng Pasko.

Inabangan din ang "Grand Festival of Lights" kung saan tampok ang anim na makukulay na karosang may iba't ibang disenyong animal characters.

Patok sa mga nag-abang ang sleigh ni Santa na may reindeers.

Paikot-ikot ang mga karosa sa compound ng mall.

Marami rin ang excited para sa fireworks display na nagtapos sa pagdiriwang ng Pasko sa mall.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Christmas picnic ang dinayo ng maraming pamilya sa Quezon Memorial Circle ngayong araw. 

Sa halip na mamasyal sa mga mall, mas pinili nila ang maupo't mag-relax habang nakikipag-bonding sa kanilang mga kaanak. 

Ang iba pa nga, nagtayo na ng tent sakaling magtagal ng magdamag sa liwasan.

Pangunahing atraksiyon ang Circle of Fun kung saan sa halagang P50 kada ride, puwede nang sakyan ang roller coaster at Twister.

Kung ayaw magbayad, dalhin na lang ang mga chikiting sa playground.

Pero paalala ng mga pulis, bantayan silang maigi lalo't may mga insidente na ng mga batang nawawala. 

May mga tiangge ring puwedeng pamilihan ng mga may malulutong na "aginaldo" mula sa mga ninong at ninang.

Magdamag bukas ang Quezon Memorial Circle hanggang Enero 2, 2018.

Simple man ang paraan ng paggunita sa kapanganakan ni Hesus, para sa mga pamilyang dumayo ng Quezon Memorial Circle, sapat na ang buo at masaya sila ngayong araw ng Pasko. 

-- Ulat nina Noli de Castro, Gretchen Ho, Jerome Lantin, Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.