TINGNAN: Taxi ginawang 'wishing wall' ng mga pasahero

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2017 02:54 PM | Updated as of Dec 23 2017 11:06 PM

DAVAO CITY – Kung may wishing wall sa ibang lugar, iba naman ang estilo ng taxi driver na si Ellen Cedeño.

Naglagay ang 39-anyos na si Cedeño ng sticky notes sa loob ng minamanehong taxi kung saan isinusulat ng kaniyang mga pasahero ang nais nilang makamtan sa Pasko.
 
Isa sa mga nag-iwan ng kaniyang wish ay ang pasaherong si Adam. Sana daw mag-top siya sa bar exam.

Ang Christmas wish naman ng pasaherong si Ellen ay sana maraming biyaya pa ang dumating sa susunod na taon, lalo na sa kaniyang pamilya.

Para naman sa mismong taxi driver ang hiling ng pasaherong si Mikee. Sana daw laging gabayan si Cedeño sa kaniyang pamamasada at makaiwas sa anumang disgrasya.

Hindi umano sukat akalain ni Cedeño na papatok ang kaniyang Christmas Wishlist on Cab.

Hindi raw niya inasahan na magiging ganoon ang reaksiyon ng kaniyang mga pasahero. Nawawala umano ang stress nila at naipapasa ang good vibes.

Kung siya naman ang tatanungin tungkol sa kaniyang personal na hiling ngayong Pasko, nais ni Cedeño na matupad ang lahat ng wishes ng kaniyang mga pasahero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.