Pamasko sa pamilyang hirap pero nagsisikap: pinasementong bahay

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2017 12:54 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi madali ang magtaguyod ng pamilya. Pero patuloy sa pagsisikap si Noel Ramos ng Malolos, Bulacan para sa mga mahal niya sa buhay. 

Alas-3 pa lamang ng madaling araw pero maingay na sa pier ng Pamarawan kung saan nagkalat ang mga balde at banyerang naglalaman ng mga nahuling isda para ibenta.

Sa gitna ng magulong palengke, naroon ang inaantok-antok pang si Noel na nakikibulong sa mga mamimili. 

Sa isip ni Noel, bago man lang sana sumikat ang araw ay may maiuwi na siya sa kaniyang asawa at siyam na anak. 

“Kapag masipag ka ho dito, kakain ka. Pagka ikaw ay tamad, wala ho,” aniya.

Tahimik at simple lamang ang buhay sa isla ng Pamarawan sa Malolos, Bulacan kung saan naninirahan sa 264 na ektaryang isla ang mahigit 1,000 pamilya na sa dagat lamang kumukuha ng kanilang ikinabubuhay.

Malayo sa kabihasnan ang isla. Mula Malolos City proper, halos isang oras na tatawirin ang pasikot-sikot at sanga-sangang Kalero River gamit ang bangkang de motor para marating ang Pamarawan.

Wala ring ibang transportasyon papasok at palabas ng isla ng Pamarawan kaya bukod sa pagbebenta ng isda, namamasada rin ng bangka si Noel.

“Sa pamamasada bale umaano lang ako ng limang daan lang, isang araw lang ho pagka-isang back and forth na ho. Katulad ko, hindi ho kakasya sa amin ang apat na raan isang araw kaya nahahaluan ko ng sideline,” kuwento niya.

“Pagka madalang ho ang sakay, doon na ho matutulog, hindi ako uuwi dahil wala kang dalang maibibigay mo sa pamilya mo,” dagdag pa niya. 

Dahil hindi sapat ang kinikita, tumutulong na rin ang misis ni Noel sa pagbebenta ng isda, habang namamasada naman ng e-tricycle sa kanilang barangay ang kanilang panganay na anak na huminto na sa pag-aaral.

Kapos man, hindi na ito alintana ng pamilya Ramos basta sila ay sama-sama, kahit pa sa maliit, mainit, at yari sa kahoy na barong-barong lang sila nakatira. 

Dahil naman nalalapit na ang kapaskuhan, dinayo ng “Kabayan Special Patrol” ang Pamarawan bitbit ang mga aginaldo para sa pamilya Ramos.

Bukod pa sa mga aginaldo, may isa pang sorpresa para sa pamilya. 
Pinaayos ang kanilang barong-barong pero bago ipakita sa kanila ito, sinundo muna sila sa pansamantalang nilipatan nilang barong-barong din. 

Nang makasama na ang pamilya Ramos, bumungad sa kanila ang bagong gawang bahay na yari na sa semento, may toilet at bath, naka-tiles, maliwanag at nadagdagan pa ng second floor nang hindi na nagsisiksikan ang mag-anak kapag matutulog.

-- Ulat ni Noli de Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.