ALAMIN: Paano maiiwasan ang food poisoning sa gitna ng mga handaan

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2017 04:00 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Maliban sa atake sa puso, karaniwang sakit na inirereklamo tuwing kapaskuhan ang food poisoning na nakukuha dahil sa maling paghahanda ng pagkain.

Sa tala ng Department of Health (DOH), 699 ang nabiktima ng food poisoning noong 2015 hanggang 2016 at lima rito ang namatay.

Upang maiwasan ito, pinapayuhan nila ang publiko na siguruhing malinis ang lugar kung saan magluluto ng pagkain. 

Mainam rin anila na hugasang mabuti ang mga sangkap na iluluto at maging ang mga kamay bago maghanda ng pagkain.

"Kung hindi siya mahuhugasang mabuti, magdudulot [ito] ng problema sa atin lalo na kung may mga mikrobyo na nakikita do'n sa mga pagkain," ani Dr. Lyndon Lee Suy ng DOH.

Kung itatabi naman ang mga natirang pagkain mula sa salo-salo, siguruhing amuyin o tikman muna ito bago ihain muli. 

"'Di natin malalaman minsan, ‘yung iba kasi hindi naman maamoy na panis na. Nakakalimutan mo, inihahain mo na. Minsan nakailan ka nang subo at kain, saka mo [mapapansing] parang iba ang lasa. So lahat 'yan, tinitingnan natin bago natin ihain muli," ayon kay Suy. 

Ilan sa mga palatandaan na panis na ang pagkain ay ang kakaibang kulay o amoy nito at maliliit na bula sa masarsang ulam.

Mga dapat gawin kapag na-food poison

Sakali namang mabiktima ng food poisoning, nagpayo ang DOH na huwag pakainin ang taong nagsusuka. 

Bukod dito, hindi rin pinapayo ang pagpilit sa pasyente na maisuka ang pagkain sa pamamagitan ng pagdukot sa lalamunan dahil maaaring mas makasama pa ito. 

“'Wag din natin [gayahin] ‘yung iba, dinudukot para magsuka lalo dala ng maaaring magasgas lalo ang lalamunan or ‘yung ating daanan ng pagkain na maaaring lalong mag-provoke ng problema sa pasyente o mag-induce ng pain sa pasyente," sabi ni Suy. 

Importante rin na siguruhing makainom ng tubig ang pasyente upang mapalitan ang nawalang tubig sa katawan. 

Maaari ring gumawa ng homemade oresol na puwedeng inumin ng taong nagsusuka o dumudumi. Ihalo lang ang anim na kutsarang asukal at kalahating kutsaritang asin sa isang litrong tubig.

Mahalaga na dalhin sa ospital ang pasyente sakaling lumala pa ang sitwasyon.

“Pero kung patuloy ang pagdudumi ng pasyente natin, dalhin kaagad natin sa ospital at tingnan natin kung mayro’n pa bang iba sa kasama sa bahay na kumain din na naapektuhan,” paalala ni Suy.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang "Red Alert" sa Facebook at Twitter.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.