Aginaldo sa mga inaanak, obligasyon ba?

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 09:15 PM

Paliwanag ng isang pari, hindi obligasyon ng mga ninong at ninang ang pagbibigay ng aginaldo sa kanilang mga inaanak.

Ayon kay Fr. Jojo Zerrudo ng Diocese of Cubao, depende na sa isang tao kung magbibigay siya ng regalo sa kanyang mga inaanak.

"'Yung magbigay ng aginaldo, parang token na lang 'yun, pero hindi siya obligasyon," aniya.

Dagdag pa ni Zerrudo, ang pangunahing papel ng mga ninong at ninang ay gabayan ang kanilang mga inaanak upang maging mabuting Kristiyano.

Mas mainam din umano kung ang mga pipiliing maging ninong at ninang ay ang mga nasa tamang edad (age of majority), isang Kristiyano, at maaring maging huwaran ng batang bibinyagan.

Paliwanag rin ni Zerrudo, kadalasang isang pares lamang ng ninong at ninang ang kailangan ng isang batang bibinyagan. Dapat din umano na ang ninong at ninang sa binyag ay siya ring ninong at ninang sa kumpil.

"Dapat pareho. Kung sino ang ninong at ninang sa binyag, siya ding ninong at ninang sa kumpil, kasi 'yung pinanggalingan niyan, noon, magkasunod na ibinibigay sa isang gabi ang binyag at kumpil. Kasi noon, mga matatanda ang binibinyagan," aniya.

Paalala ni Zerrudo sa mga magulang at sa mga ninong at ninang, mas mahalaga ang kanilang presensiya at paggabay sa kanilang mga inaanak kaysa sa aginaldo.

"Kailangang tandaan ng mga magulang at mga ninong at ninang na kaya binibinyagan ng Simbahan ang bata ay sapagkat mayroon silang binigay na assurance na lalaki na mabuting Kristiyano ang bata," aniya.

"Ang pangangatawanan talaga ng mga magulang at mga ninong at ninang na palalakihin nilang mabuting Kristiyano ang bata," dagdag pa ni Zerrudo.