Tips para iwas-nakaw, altapresyon ngayong holiday season

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 07:36 PM

Mahalaga pa ring bigyang-pansin ang kaligtasan sa gitna ng kaliwa't kanang kasiyahang ngayong holiday season.

Narito ang ilang tips mula sa programang “Red Alert” upang manatiling ligtas at payapa ngayong Kapaskuhan at sa darating na bagong taon.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mamimili ng panregalo ngayong Pasko. Maging alerto at huwag magpaloko

Paalala ng Philippine National Police (PNP) sa mga mamimili ngayong Pasko, magdala lamang ng sapat na pera, ilagay ito sa bag, at siguruhing nakalagay ito sa harapan.

Iwasan din anila ang maglabas ng cellphone o gadgets sa kalsada upang makaiwas sa mga snatcher. 

Sa mga aalis naman para magbakasyon, siguruhing naka-lock nang maigi ang pinto at gate.

Agad ding isumbong sa pulis sakaling mabiktima ng mga kawatan.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sunod-sunod ang parties? Hinay-hinay sa kainan at inuman

Kabi-kabila ang mga handaan ngayong holiday season kaya kung may hypertension o iba pang sakit, mabuting siguruhing makainom ng maintenance medicine at iwasang kumain ng mga pinagbabawal sa inyong diet.

Sa paghahanda naman ng Noche Buena, siguruhing malinis ang sangkap at lugar kung saan inihahanda ang mga pagkain. 

Huwag paabutin ng higit apat na oras ang mga pagkain na may sangkap na madaling mapanis.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Paunang-lunas sakaling masilaban ng paputok

Bukod sa mga handaan, marami rin ang mga paputok ngayong Bagong Taon. 

Sakaling may aksidenteng masilaban nito, padaluyan ng malamig na tubig ang parteng nasugatan. 

Balutan ng gasa o malinis ng tela ang sugat at isugod ang biktima sa pinakamalapit na ospital.

Mainam din na huwag nang gumamit ng paputok o kaya naman ay basain ang gamit nang paputok upang hindi na makapaminsala pa.
 

Watch more in iWantv or TFC.tv

Paunang-lunas kapag nakalunok ng paputok

Isa peligrong maaring mangyari lalo na sa mga bata ang makakain o makalunok ng paputok. 

Kapag nangyari ito, painumin ang bata ng anim hanggang walong egg white o puti ng itlog.

Pero mainam pa rin na bantayan nang maigi ang mga bata upang hindi makapulot o makalunok ng paputok.

Para sa dagdag na ligtas tips, sundan ang Red Alert sa Facebook (www.facebook.com/RedAlertABSCBN) at Twitter (www.twitter.com/ABSCBNRedAlert).

Mapapanood din ang Red Alert tuwing Miyerkoles, pagkatapos ng Bandila sa Channel 2.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.