Sari-saring belen tampok sa isang exhibit sa Manaoag Shrine

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 05:44 PM | Updated as of Dec 20 2017 05:49 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mabibisita sa Museo de Nuestra Señora sa loob mismo ng Minor Basilica of Our Lady of Manaoag Shrine sa Pangasinan ang iba't ibang koleksiyon ng nativity scene o belen at Santo Niño mula sa mga deboto.

May tema ang exhibit na "Venite Adoremus," salitang Latin na ibig sabihin ay "come and adore."

Sa bungad ng museo, matutunghayan ang nativity scene mula sa Portugal at Peru at ang relic stone na galing mismo sa nativity cave.

Hindi lang daw ito exhibit dahil isa rin itong pagbabalik-tanaw sa kuwento ng kapanganakan ni Hesus, mula sa pagbisita ni Birheng Maria sa pinsang si Elizabeth.

Makikita rin dito ang Nuestra Señora de Lao o ang imahe ni Birheng Maria na nagdadalantao hanggang sa mismong pagkapanganak kay Hesus sa sabsaban.

Bukod sa nativity scene, makikita rin ang mga imahe ng Holy Family pati na rin ang imahe ng paglalakbay ni Birheng Maria at Jose kasama si Baby Jesus.

Makikita rin ang iba't ibang koleksiyon ng imahe ni Santo Niño Dormido.
    
Ilan sa mga debotong nagdasal at namangha sa koleksiyon ay si Julie Enriquez na mula pa sa Laguna.

"Kakaiba yung pakiramdam, parang blessed na blessed ka," ani Enriquez.

Galing ito sa mga personal na koleksiyon ng mga deboto. Isa rin daw itong paraan ng simbahan para ipakita at ipaalala sa lahat ang kahalagahan ng Pasko.

"This is the most important celebration..despite all the bad things, dapat magpasalamat tayo dahil ipinanganak si Hesus," ani Fr. Anthony Eudela, prior ng Basilica.

Mabibisita ang museo hanggang Enero 7 matapos ang selebrasyon ng Epiphany.

--Ulat ni Joanna Tacason, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.