Piolo, designer, animation studio, magkakahiwalay na pinarangalan

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2017 11:27 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Muling pinatunayan ng mga Pinoy ang pagiging world class pagdating sa iba't ibang larangan.

Pinarangalan ang aktor na si Piolo Pascual bilang isa sa "10 Asian Star: Up Next" sa International Film Festival and Awards sa Macau. 

Ito ay prestihiyosong listahan ng mga sikat na Asian personalities na nilalabas ng film festival taon-taon. 

Sa Macau tinanggap ni Pascual ang parangal nitong Huwebes ng gabi.

Pero bago pa umalis ng bansa, inalay ni Pascual ang tagumpay sa bansa. 

“I’m just really excited because it’s just one way of showing that we have what it takes to penetrate the international scene and to represent Philippines… I’m always overwhelmed when I go to different places at dala ko ang bandera ng ABS, dala ko ang bandera ng Pilipinas,” aniya.

Sa mundo ng fashion, inirampa sa bulwagan ng dating Department of Foreign Affairs (DFA) office ang "Colors of Southeast Asia" kung saan bumida ang mga creation ng international Pinoy designer na si Renee Salud.

Ayon kay Salud, umikot na sa buong mundo ang kaniyang collection na gumamit ng local fabrics mula Luzon, Visayas, at Mindanao.

Parte din ito ng kampanya ng DFA at Department of Tourism para sa turismo.

“Involved dito ang Pacific and ASEAN countries. They provided the fabrics, I’ve interpreted their fabrics to modern fashion,” ayon kay Salud.

Wagi rin ang Pinoy animation studio na ASI sa nakaraang Asian Televison Awards kung saan nanalo ang locally made na animated series na "Tilda Appleseed" sa Best Pre-School Show.

“Sobrang proud ako sa team. Ito po ang patunay na ang Filipino talent ay talagang world class,” ayon sa Pinoy animator na si Jaquelyn Chua.

Sila rin ang developer ng “Ang Panday” game app na isa sa paborito ngayong laruin ng mga kabataang Pinoy. 

-- Ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.