Bagong Miss U, nais magturo ng self-defense sa mga babae

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 11:05 PM | Updated as of Dec 08 2017 05:25 AM

Ikinuwento ng bagong Miss Universe 2017 na si Demi-Leigh Nel-Peters na isa sa kaniyang nais ipalaganap sa mga kababaihan ang women empowerment sa pamamagitan ng pagtuturo ng self-defense techniques.

Nag-boarding school sa South Africa si Nel-Peters mula high school at ayon sa kaniya, ito ang isa sa mga dahilan kung bakit naging matatag siyang babae at nakuha ang korona.

Sa umpisa pa lang ng kaniyang reign, determinado na si Nel-Peters na maibahagi sa mga babae sa buong mundo ang self-defense techniques.

Katunayan, matatandaang bago pa ang pageant ay naikuwento na ni Nel-Peters na natutukan siya ng patalim ilang buwan bago ang coronation night kaya isinusulong niya ang pagsasanay sa mga kababaihan ng self-defense. 

"I was actually hijacked a few months ago just after my crowning and held at gun point, and the way I dealt with that was empower other woman by giving them skills and knowledge on how to be empowered not just physically but emotionally as well," aniya.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Samantala, naibahagi niya rin na nasubukan na niya ang ilang pagkaing Pilipino, una na ang manga at nagustuhan niya ito. 

Kasalukuyang nasa bansa si Nel-Peters at ilang Miss Universe beauties.

Nitong Miyerkoles lang, ‘beauty overload’ ang naganap sa isang hotel sa Makati kung saan nagsama-sama sina Miss Universe 2017 Nel-Peters, Miss Universe 2016 Iris Mittenaere, at Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.

Parang panaginip pa rin para sa bagong Miss Universe na makahilera ang mga dating winners na sina Mittenaere at Wurtzbach, kasama ang Miss Universe President Paula Schugart.

Isa sa kaniyang mga iniidolo ang Pinay beauty queen na si Wurtzbach.

"I love the fact that Pia worked so hard to be where she was... She never took anything for granted. And I know she wanted this just as much as I did," aniya.

Samantala, espesyal rin kay Miss Universe 2016 Mittenaere ang pagbalik sa bansa dahil sa Pilipinas aniya nagbago ang kaniyang buhay nang koronahan siya noong nakaraang taon.

Sobrang napamahal na rin kay Miss Universe President Paula Shugart ang Pilipinas kaya dito siya nagdiwang ng kaniyang kaarawan.

Bukas din siya na sa Pilipinas muli idaos ang Miss Unviverse 2018.

-- Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.