'Maraming Pinoy, di napaghahandaan ang retirement'

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 12:46 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Halos kalahati ng mga senior citizen sa Asya ang walang pensiyon, ayon sa 2017 World Social Protection report ng International Labour Organization (ILO).

Ayon sa ILO, ito ang dahilan kung bakit marami sa kanila ang sadlak sa kahirapan.

Sa Pilipinas, nasa 8.7 milyon ang mga senior citizen base sa taya ng Federation of Senior Citizens Association of the Philippines, pero 2.1 milyon lang ang pensiyonado ng SSS.

Tulad na lang sa pamilya Dime na may tatlong senior citizens, pero dalawa ang walang pensiyon.

Hindi noon nakapagpamiyembro sa SSS ang dalawa kaya ngayo'y umaasa sila sa mga kaanak para sa kanilang panggastos.

Tingin ng SSS, ang kulturang Pinoy ng pagsandal sa mga anak sa pagtanda ang isa sa dahilan kung bakit marami ang hindi naghahanda sa kanilang retirement.

"'Yong mga dati, kulang sa kaalaman [ukol sa retirement], pero ngayon... dapat maglaan siya ng kaniyang kita para matustusan niya ang pangangailangan niya kung siya ay magretiro, " ani Emmanuel Dooc, president at CEO ng SSS. 

Noong 2010 naman ay naisabatas ang Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act na nagbibigay ng P500 allowance para sa mga pinakamahihirap na senior citizens.

Pasado na sa committee level ng Kamara ang dagdag na P500, pero ayon sa grupo ng senior citizens, kulang na kulang pa rin ito.

"Namamatay na 'yong mga mahihirap na no means to buy maintenance medicine, ano pa 'yong basic needs?" ani Jorge Banal, president ng Federation of Senior Citizens Association of the Philippines.

Ayon naman sa SSS, makatutulong kung magbibigay ng subsidiya ang pamahalaan para magkaroon ng universal coverage sa pensiyon.

Pero kailangan ding makita ng mga Pilipino ang kahalagahan ng paglalagak ng kita sa mga pension fund gaya ng SSS at Government Service Insurance System para may maaasahan pagtanda.

Nauna na ring ipinatupad ng SSS ang P1,000 pension increase ngayong taon pero pinag-uusapan pa ang susunod na P1,000. 

Ang magandang balita naman para sa mga pensiyonado, simula ngayon hanggang December 8 ay sinimulan na ng SSS ang pamamahagi ng 13th month pension.

Katumbas ito ng isang buwang pensiyon ng bawat SSS pensioner.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.