ALAMIN: Medical risks ng nagbubuntis na teenager

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2017 03:45 PM

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambatang paksa ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

Tinalakay ni Dr. Lulu Marquez sa kaniyang programang "Private Nights" sa DZMM ang tungkol sa teenage pregnancy.

"Tumataas po ang statistics ng teenage pregnancy," sabi ni Marquez. "[Ayon sa] Philippines Statistics Authority, 200,000 Filipino teenagers ang nabubuntis taon-taon, mula 2011 hanggang 2015."

Paliwanag ng doktor, may medical risks, o mga delikadong maaaring mangyari sa isang nagbubuntis na teenger.

Puwede aniya kasing hindi makakuha ng tamang alagang medikal o iyong prenatal care ang buntis na teenager dahil ikinukubli ang kaniyang pagdadalantao.

"Nahihiya kayo, nahihiya kay mama, nahihiya kay papa, ayaw ipaalam sa kapitbahay... Walang prenatal care. If there's no prenatal care, medical risk po 'yan. Puwedeng magkaroon ng problema, baka may problema di agad ma-detect," ani Marquez.

Dapat ipinapasuri ang buntis para malaman kung ano ang mga kailangan niyang bitamina para sa sarili at sa batang nasa sinapupunan.

"Eclampsia means tumataas ang blood pressure habang buntis, dangerous po 'yan," paliwanag ni Marquez sa isang kondisyong medikal na maaaring maranasan ng isang buntis.

Dapat ding malaman kung anong lagay ng batang ipinagbubuntis.

Maaari kasing suhi pala ang baby, o hindi tama ang puwesto sa sinapupunan na ulo muna dapat ang lumabas sa puwerta ng ina.

Sa mga ganitong pagkakataon kasi, dapat malaman agad ang posisyon ng baby para mairekomenda ang caesarean section sa ina.

Maaari ding dahil sa kakulangan ng tamang nutrisyon, isisilang nang kulang sa timbang ang sanggol. Puwede ring magkaroon ng premature birth o kulang sa buwan ang bata kapag ipinanganak.

Kaya naman sa halip na itago nang lubusan ang pagbubuntis, dapat ay agad na magpatingin ang buntis sa espesyalista.

"Dalhin sa OB-GYN [ang buntis]. Huwag isekreto, huwag mahiya sa kapitbahay."

"Kung teenager po, ang statistics ng post-partum depression ay napakataas. Bakit? Hindi niya gusto e. Hindi niya in-enjoy ang teenage life, hindi niya natapos ang pag-aaral. 'Yong mga kaibigan niya nag-eenjoy, siya hindi, nag-aalaga ng baby," ani Marquez.

Paliwanag ng doktor, maaaring sanhi ng teenage pregnancy ang hindi pagkakaroon ng wasto at sapat na sex education ng kabataan. Malinaw din aniyang may kaugnayan ang premarital sex at ang pagbubuntis ng isang teenager.

Hinikayat ni Marquez ang mga magulang na talakayin ang ganitong sensitibong diskusyon para mabigyan ng wastong kaalaman ang kanilang mga anak.

"Kapag pumatong ng age of puberty, dapat pinag-uusapan na po 'yan [sex education] between parents and children," ani Marquez. "You can tell about how babies are born, how babies are created, scientifically if you explain that, that's fine."

Mainam din aniya na malaman ng kabataan ang ganitong impormasyon pagsapit pa lang ng "puberty age" o ang edad na nagdadalaga o nagbibinata sila.

Para sa mga babae, karaniwang pumapasok ang kanilang pagdadalaga mula edad 10-14, o ang panahong magsisimula nang magkaroon ng buwanang dalaw, regla, o menstruation ang babae.

Para naman sa mga lalaki, kadalasang edad 12-14 o 12-16 nagsisimula ang kanilang pagbibinata. Mapapansing ito ang panahong nag-iiba na ang boses ng mga lalaki, at nagkakaroon na rin ng iba-ibang pagbabago sa kaniyang katawan.

"Magulang muna ang dapat ma-educate... [para] alam kung paano gagabayan ang anak," ani Marquez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.