ALAMIN: 3 klase ng erectile dysfunction

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2017 04:01 PM | Updated as of Nov 19 2017 04:49 PM

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambatang paksa ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

Tinalakay ni Dr. Lulu Marquez sa programang "Private Nights" sa DZMM ang erectile dysfunction o ang hindi maayos na paggana ng ari ng lalaki.

Aniya, hindi lang mga lalaking may edad na ang nagkakaroon ng ganitong suliraning pangkalusugan. Maging ang mas batang kalalakihan ay maaari ring makaranas nito.

"Physiologically, kapag sinabi mong erection... kapag na-stimulate ang lalaki, it [penis] has to be erect. Kapag nag-undergo siya ng desire, gusto niyang makipagtalik, siya ay ma-a-arouse. Kapag na-arouse siya, physiologically, mayroong dugong dadaloy sa ari," paliwanag ni Marquez. "Dugo ang magsasabi kung 'yan ay dapat maging erect. Physiologically, kung may erectile dysfunction, walang tamang daloy ng dugo roon sa ari."

Tatlong klase rin ang erectile dysfunction—mild, moderate, at severe.

"Kapag mild, ganito 'yan, for example sa 10 attempts mo na magkaaron ng erection, kapag mayroon kang mild erectile dysfunction, 8 times ang success[ful]. 'Yong dalawa, hindi natuloy," ani Marquez. "'Yong moderate erectile dysfunction is out of 10 na gusto mo mag-make love, siguro mga kalahati [ang successful]."

"'Yong severe is out of 10 attempts, 2-3 ang success[ful]."

May ilang karamdamang maaaring magdulot ng erectile dysfunction.

Maaaring makaapekto ang diabetes, high cholesterol level sa katawan, at hypertension sa maayos na paggana ng ari ng lalaki.

"Kung mayroong hypertension ang lalaki, so iinom 'yan ng iba-ibang klaseng anti-hypertensive drugs. So 'yong medication na 'yan can cause erectile dysfunction," sabi ni Marquez.

Mas tumataas din ang tsansang magkaroon ng erectile dysfunction ang lalaking madalas manigarilyo at uminom ng alak at beer.

Puwede ring magkaroon ng erectile dysfunction kung nakararanas ng matinding stress sa trabaho, problemang pinansiyal, at iba pang suliranin sa buhay ang isang lalaki.

Paliwanag ni Marquez, mahalagang magkaroon ng erection ang lalaki lalo na kung plano niya at ng kaniyang misis na magkaroon ng anak.

"Kailangan talaga ng erection, para magkaroon ng penetration, para magkaroon ng fertilization," ani Marquez.

Payo ni Marquez sa nakararanas ng problema sa paggana ng ari, magpatingin agad sa espesyalista para mabigyan ng angkop na gamot.

Babala rin ng doktor, hindi maaaring basta-basta lang uminom ng sexual enhancer dahil maaaring may negatibong epekto pala ito sa kalusugan.

"Ang pag-inom ng sexual enhancer, hindi 'yan basta-basta iniinom. Puwedeng mayroon kang existing problem, then it could add more problem kapag ikaw ay uminom niyan. At hindi mo siya mabibili kung walang reseta ng doktor. Kung ang problema niya ay hindi siya nagkakaroon ng erection, mas maganda pumunta muna siya sa urologist. Huwag siyang pumunta sa barkada niya at magtatanong," paalala ni Marquez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.