Philhealth, sagot ang bahagi ng gastos sa pagpapatanggal ng kulugo

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2017 10:13 PM

Isa ang kulugo sa mga pangkaraniwang suliraning nararanasan sa balat.

Nakasasagabal ang pagkakaroon ng kulugo sa pang-araw-araw na aktibidad, lalo na kung lumitaw ito sa paa o kamay.

"Ito kasi iisipin natin na kung sa [kamay] at diyan ka nagsusulat, hindi ka makakagamit nang wastong paggamit ng panulat dahil doon sa kulugo," paliwanag ni Dra. Pilar Leuenberger, isang dermatologist.

Kabilang ang mga kulugo sa paa't kamay sa ilang kondisyon sa balat na maaaring ipagamot sa tulong ng Philhealth. 

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sasagutin ng Philhealth ang malaking bahagi ng gastusin para sa mga miyembro nitong nais na ipagamot ang kanilang kondisyon sa balat sa pamamagitan ng laser surgery. 

Ngunit dahil limitado lamang ang pondong inilaan ng Philhealth, hindi sagot ang kabuuang gastusin sa pagpapagamot.

Pili din lamang ang mga kondisyong ito at karamiha'y may kinalaman sa ugat.

"[Kailangan] mayroon iyang kinalaman sa ugat ... na siyang tatargetin ng laser," ani Leuenberger.

Kabilang sa mga kondisyong maaaring ipagamot sa Philhealth:

  • Vascular lesions
  • Hemangioma
  • Portwine stain
  • Rosacea (severe)
  • Warts/kulugo (paa/kamay)
  • Nevus of Ota

Mga doktor ng Philippine Dermatological Society lamang ang pahihintulutang magsagawa ng operasyon sa mga pampubliko o pribadong ospital. 

Bukod sa operasyon, anim na konsultasyon sa dermatologist din ang sagot ng Philhealth, lalo na kung kinakailangang tuloy-tuloy ang pagpapagamot.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.