Winwyn Marquez, itutuloy ang showbiz career

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2017 11:58 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA -- Matapos koronahan bilang kauna-unahang Pinay na nanalo sa Reina Hispanoamericana na ginanap sa Bolivia, siniguro ni Teresita Ssen "Winwyn" Marquez na magpapatuloy pa rin ang kanyang karera sa showbiz.

Sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles, sinabi ni Winwyn na wala namang problema kung ipagpapatuloy niya ang kanyang pag-aartista lalo't dito niya nakuha ang lakas ng loob para subukang sumabak sa beauty pageant.

"Kinausap ko rin 'yung organization about that. Since nag-start ako sa pag-aartista, doon ako na-hone, doon ako naging confident, itutuloy ko pa rin, wala namang problema. As long as you know how to manage your time, sabi sa akin," ani Winwyn.

"Sabi ko nga sa sarili ko, kaya kong gumawa ng projects, kaya kong gawin 'yung duties and responsibilities ko, kaya ko ding umakting basta alam ko 'yung priority ko. Wala namang imposible kung kaya mong ayusin at i-manage," dagdag ni Wynwin na anak nina Joey Marquez at Alma Moreno.

Ibinahagi rin ni Winwyn ang naging reaksiyon ng kanyang mga magulang matapos niyang makuha ang korona.

Aniya, masaya siya na ipinagmamalaki siya ng kanyang mga magulang sa kanyang tagumpay lalo na ang kanyang ama na si Joey na noong una ay hindi suportado ang kanyang pagiging beauty queen.

"Ang alam ko lang is proud sila sa akin at 'yun lang ang naiintindihan ko. At kahit anong sabihin nila, 'yun lang ang importante. Same with daddy kasi siya 'yung gustong hindi ako sumali. Kasi nga ang sabi niya beauty queen na daw ako sa buhay niya at hindi na kailangan na sumali ako. Kasi ang takot niya maki-criticize ako head-to-toe. So, ayaw niyang masaktan ako, ganyan. Then, noong tumawag siya, hindi siya makapaniwala na nanalo ako. Sabi niya, 'Paano mo sinagot yung question?' Sabi ko, 'Hindi ko po ba kaya sagutin yung question.' Pero ibang klase, kasi kapag ang parents mo ang nagsabi na may natutunan din sila from me, ibang klase 'yon," ani Winwyn, na iginiit na hindi madali ang kanyang pinagdaanan.

"Sabi ko nga, it may not be Miss International, Miss World, Miss Universe, pero kung itapon mo ang isang babae sa pageant na pikit-mata na pumunta, at hindi mo alam kung ano ang mangyayari at hindi ka fluent magsalita, at lahat kalaban mo, mga Latina na magagaling, magaganda at matatangkad, mahirap. Kasi hindi mo alam kung saan ka lulugar. So, ang ginawa ko na lang ay nag-reach out ako sa lahat. I made friends kahit mag-sign language ako, kahit magmukha akong funny basta makita lang nila nage-effort ako na gusto kong matuto. 'Yun ang ginawa ko and it worked in my favor," ani Winwyn.