ASEAN, 'tagumpay' na nairaos ng Pilipinas: analyst

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2017 06:29 PM

Nakipagkamay si Pangulong Rodrigo Duterte kay Singapore Prime Minister Lee Hsien Loong matapos ipagkaloob ang chairmanship gavel para sa 2018 ASEAN. Kuha ni Jonathan Cellona

Naging matagumpay ang Pilipinas sa chairmanship nito sa 2017 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, ayon sa political analyst na si Ramon Casiple.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa panayam ng DZMM nitong Miyerkoles, sinabi ni Casiple na napatunayan ng bansa ang kakayanan nitong pangasiwaan ang malaking pagpupulong gaya ng ASEAN.

Pinuri ni Casiple ang maaayos na pakikitungo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lider ng ibang bansa.

Tila alinsunod umano ito sa kaniyang independent foreign policy na naglalayong palawakin at paramihin ang mga kaalyadong bansa ng Pilipinas.

"Vindication [ito] noong independent foreign policy na 'Kaibiganin natin lahat, huwag makipag-away'," ani Casiple.

Ngunit sa kabila nito, hindi naiwasan ni Duterte na magpahayag ng pagkainsulto nang banggitin ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau ang isyu ng mga karapatang pantao sa bansa.

Si Trudeau lang, ani Casiple, ang nagkaroon ng lakas ng loob na punahin ang mga umano'y kaso ng extrajudicial killings at paglabag sa karapatang pantao.

Ngunit hindi umano nangangahulugang hindi nabigyang pansin ang isyu ng karapatang pantao.

"Even human rights [napag-usapan ng Amerika at Pilipinas] eh, except hindi pumasok 'yong criticisms," ani Casiple.

Sa kanilang joint statement, tinawag ng Amerika at Pilipinas na "essential" o mahalaga ang karapatang pantao at dignidad ng buhay ng tao.

Sinabi rin ni White House Spokesperson Sarah Sanders na nabanggit ang isyu ng karapatang pantao nang magkaharap sina Duterte at US President Donald Trump.

Napag-usapan aniya ito sa konteskto ng giyera kontra drogang isinusulong ng pamahalaan ni Duterte. 

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tinawag din na "breakthrough" o malaking hakbang ni Casiple ang pagpayag ng China na makipag-ugnayan sa ASEAN hinggil sa pagbalangkas ng code of conduct sa South China Sea.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.