Espesyal na hamon, Christmas village, patok sa Pangasinan

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 08:52 PM

Paboritong magpakuha ng retrato ng mga namamasyal sa Christmas village sa Christmas tree na tadtad ng maliliit na pamaypay. Kuha ni Edward Quinto

Ramdam na ang Kapaskuhan sa San Carlos, Pangasinan dahil sa Christmas village na patok na pasyalanan ng mga residente't dayo sa lungsod.

Kuha ni Edward Quinto

Binigyang-buhay ng mga pinaglumaang bilao ang belen.

Ginamitan naman ng maliliit na pamaypay ang Christmas tree.

Mayroong ding kaaakit-akit na dambuhalang Christmas tree na puno ng mga bituin.

Home-made at pinaghirapan ang paggawa sa hamonadong handog sa isang restoran sa Dagupan, Pangasinan. Kuha ni Joanna Tacason

Mabenta naman sa mga residente ng Dagupan City ang isang restoran na nag-aalok ang iba't ibang luto ng hamon.

Tiyak na panalo sa panlasa ng mga bata ang sweet at juicy chicken ham. 

Kakaibang lasa naman ang hatid ng baked ham na gawa sa pigi ng baboy.

Para sa mga nagbabantay ng kanilang kalusugan ang special baked pork ham steak.

Ayon sa chef na si Rob-Rob Mejia, namana niya sa kaniyang lolo ang pagkahilig sa pagluluto ng hamon.

Maaaring mag-pre-order kina Mejia para sa mga nagnanais gawing noche buena o media noche ang kanilang mga hamon.

-- Ulat nina Joanna Tacason at Edward Quinto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.