SILIPIN: Barong, Filipiniana na isusuot ng mga lider sa ASEAN Summit gala

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 08:17 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bibida ang mga barong at Filipiniana sa 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit gala sa darating na Linggo, Nobyembre 12, dahil isusuot ito ng mga lider ng iba’t ibang bansa. 

Ang winning designer ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach na si Albert Andrada ang gumawa ng barong ng 20 world leaders at ipinasilip niya sa TV Patrol ang sketch ng kaniyang mga disenyo.

Gawa ang mga barong sa piña at silk cocoon na galing sa Laguna. 

“It should be very traditional. It should be not too detailed but it should be something simple, elegant because they should look dignified,” paglalarawan ni Andrada. 

Espesyal din ang ginawang barong ni Andrada para kay Pangulong Rodrigo Duterte. 

“What I did, I experimented a barong where you don’t have to button the first one… because I know he's gonna open it,” ani Andrada. 

Ibinagay naman sa personalidad nina United States President Donald Trump at Canadian Prime Minister Justin Trudeau ang disenyo ng barong nila: “Of course dignified and conservative.”
    
Samantala, ang kilalang Filipino designer naman na si Randy Ortiz ang gumawa ng mga Filipiniana attire nina Aung San Suu Kyi ng Myanmar, at ilang asawa ng mga pinuno.

“The inspiration here for all these women are all flowers--Philippine flowers,” sabi ni Ortiz. “Since it's going to be Maranao fashion it has to be a little more vibrant, colorful.”

Kabilang din si Rajo Laurel sa tatlong napiling designers na magbibihis sa mga world leaders.

Bukod sa karangalan na mapiling bihisan ang mga head of states, umaasa ang mga designer na mapapansin hindi lamang ang magagadang materyales kundi maging ang galing at talento ng mga Pilipino sa pagdidisenyo. 

-- Ulat ni Marie Lozano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.