Belenismo ng Tarlac, alay sa mga bayani ng Marawi

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 05:15 PM | Updated as of Nov 07 2017 09:17 PM

Kilala ang Tarlac bilang "Belen Capital" ng Pilipinas dahil sa malikhaing paggawa nito ng iba't ibang belen na gawa sa makukulay na lokal, recycled, at iba pang materyal.

Sa ika-10 taon ng pista ng Belenismo, sorpresang tampok ang higanteng belen na inspired ng Marawi.

Kasama ng imahen ng pagsilang kay Hesus, ang grand mosque, Lake Lanao, at iba pang landmark ng Marawi.

Hudyat din ang Belenismo ng pagsisimula ng selebrasyon ng Pasko sa Central Luzon. 

Sentimental ang okasyon dahil dumalo sa Camp Servillano Aquino sa Tarlac City ang mga sundalong lumaban sa Marawi, sa pangunguna ng pinuno ng Philippine Army na si Major Gen. Rolando Bautista.

Gamit ang recycled materials, isang buwang binuo ang dambuhalang belen ng Philippine Army 7th Infantry Division, Mechanized Infantry Divison, at Philippine National Police Regional Office 3.

Alay din nila ito para sa kapayapaan, sa mga bayaning nagbuwis ng buhay sa Marawi, gayundin sa mga kaanak nilang nangangailangan ng tulong para makaahon muli sa buhay. 

Pinasaya rin ang okasyon ng fireworks, folk dance, at ni "The Voice of the Philippines" champion Jason Dy.
 
Ang Belenismo ay mapapanood tuwing gabi sa Tarlac mula ngayon hanggang Enero 2018.

-- Ulat nina Michelle Soriano at Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.