KILALANIN: 2 Pinoy na pasok sa '30 Most Influential Teens of 2017'

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2017 09:49 PM | Updated as of Nov 04 2017 12:41 AM

Pasok sa '30 Most Influential Teens of 2017' ng Time Magazine ang dalawang kabataang Pinoy na kilala sa tapang sa paglaban sa extrajudicial killings, at sa pagiging malikhain.

Kasama sa nasabing listahan ang Pilipinang si Shibby de Guzman na hinangaan ng Time Magazine dahil may tapang na siyang labanan ang malaking isyu ng extrajudicial killing sa murang edad na 14.

“It’s a risky move to speak out against Philippine President Rodrigo Duterte, whose brutal war on drugs has left thousands dead,” nakasaad sa Time Magazine.

Naunang nag-viral sa social media ang retrato ni De Guzman kung saan nagsuot siya ng cardboard na may nakasulat na “lahat tayo posibleng drug pusher” bilang pagkondena sa extrajudicial killing. 

"It should be default knowledge to care for your country and speak for the bigger percentage of it that are in poverty… I used my voice to speak for others who didn’t have it," ayon kay De Guzman.

Nasa ikasiyam na baitang pa lang si De Guzman sa St. Scholastica's College pero siya ang nangunguna sa mga protesta sa eskuwelahan, hindi lang ukol sa extrajudicial killings kundi pati sa Marcos burial sa Libingan ng mga Bayani.

"I don’t believe it’s too big for my age because I think that the youth are the future, and they might as well care for their country right now," ani De Guzman. 

Pero sa kabila ng pagkilala, hindi lubos ang saya ni De Guzman dahil may napapatay na rin sa bansa na batang tulad niya. 

“I hope that I can start the match then the other fellow youth can help start a fire, something that can really change what is happening today," ayon kay De Guzman.

Bukod kay De Guzman, kasama rin sa listahan si Bretman Rock, ang 19 anyos na Hawaii-based Pinoy na kinilala dahil sa galing sa pagme-make up. 

“There is nobody on the Internet more fabulous than Rock,” nakasaad sa magazine. 

Nasa siyam na milyon na ang kaniyang Instagram followers at isa sa pinakasikat na teenager sa Internet sa buong mundo.

Naging host din si Rock sa red carpet pre-show ng 65th Miss Universe pageant.

Bukod kina De Guzman at Rock, kasama sa listahan ang American actor na si Jaden Smith ng ‘Karate Kid’, British actress na si Millie Bobby Brown ng ‘Stranger Things’, American singer Noah Cyrus, Canadian singer Shawn Mendes, at iba pang kabataang naging matagumpay sa negosyo at iba pang larangan.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.