PANOORIN: Iba't ibang 'gimik' ng mga taga-Pangasinan para sa Undas

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2017 05:57 PM

Naging makulay ang paggunita sa Undas dahil sa iba't ibang gimik at tradisyon ng mga residente ng Urdaneta at Lingayen sa Pangasinan.

Gimik ng ilang nagbabantay na pulis sa sementeryo sa Urdaneta ang pagsuot ng maskara para maaliw ang mga bata.

"Ginagawa ko po ito para maaliw 'yong mga bata at iwasan pong matakot 'yong mga bata sa pulis," ani Police Officer 1 Mark Lopez, na miyembro ng Special Weapons and Tactics team.

Ang 57 anyos na si Genaro Parangat naman, tinugtugan ng saxophone ang mga patay.

Ang mag-asawang sina Major Michael Datuin at Senior Police Officer 2 Ma. Cristina Datuin, hindi pangkarinawan ang pag-alala sa kanilang yumaong mahal sa buhay.

Puting pintura na may "Man of Steel" sticker ang tema ng puntod ng kanilang anak.

Taon-taon nilang pinaghahandaan ang pagbisita sa bunsong anak na tatlong buwan lang nilang nakapiling.

Bukod sa mga ito, mayroon ding itinayong photo booth sa sementeryo.

Pagpapalipad ng saranggola

Sa Barangay Libsong sa Lingayen, tampok ang makukulay na saranggola tuwing Undas.

Sinasara nila ang airfield para bigyang daan ang pagpapalipad ng mga bata.

Iniuugnay umano ng mga residente ang tradisyon ng pagpapalipad ng saranggola sa mga kaluluwang nasa purgatoryo na gusto nang umakyat sa langit.

Pinaniniwalaang ililipad ng saranggola sa langit ang kaluluwa ng mga yumaong mahal sa buhay.

Ang iba namang residente, naniniwalang itinataboy ng mga saranggola ang masasamang kaluluwa.

-- Ulat nina Michelle Soriano at Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.