‘Mga babaeng doktor, mas malaki ang tiyansang ma-depress'

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2017 05:54 PM

File Photo

Lumabas sa isang pag-aaral sa Amerika na mas malaki ang tiyansang ma-depress ang mga babaeng doktor kumpara sa mga lalaking doktor.

Base sa pagsasaliksik na nailimbag sa JAMA Internal Medicine, nagsisimulang mas tumaas ang bilang ng mga babaeng doktor na nagsasabing nakararanas ng sintomas ng depresyon oras na magsimula na sila ng kanilang internship.

Sumalang sa survey ng pagsasaliksik ang 3,121 medical residents o mga doktor na sumasailalim na sa pagsasanay para sa kanilang napiling sangay ng medisina.

Ayon pa rin sa pag-aaral, oras na sumalang na sa internship ang babaeng nais maging doktor, umiigting din ang tensiyon niya sa pagbabalanse ng karera at buhay-pamilya.

Sabi ng ilang mananaliksik, karaniwan pa rin kasi sa mga babaeng doktor na magkaroon ng mas mabigat na responsibilidad sa panangalaga ng sariling pamilya, kumpara sa mga lalaking doktor.

Nakararanas din naman ng depresyon ang ilang lalaking doktor, pero mas kaunti ang bilang nila kumpara sa mga babaeng doktor na nagsabing nakararanas ng sintomas ng depresyon. 

Hanggang 30% ng mga residenteng doktor sa survey ang nagsabing may depresyon sila.

Ayon sa pangunahing may-akda ng pag-aaral, ipinapakita ng pagsasaliksik na nakaaapekto ang tensiyon sa pagbalanse ng pamilya at karera sa tiyansang makaranas ng sintomas ng depresyon, mapa-babae o lalaking doktor.

Iniuugnay ang depresyon sa mas mababang kalidad ng pangangalaga sa pasyente, pagkakamaling medikal, at burnout o pakiramdam na sobrang pagod na sa karera.

Isa naman sa nakitang limitasyon nitong pag-aaral ay ang pagdepende ng mga mananaliksik sa sinabi lamang ng mga doktor sa survey kung nakararanas sila ng sintomas ng depresyon. Hindi na sumalang pa sa pagsusuri ng doktor ang mga nagsabing may depresyon.

Gayumpaman, hinikayat ng pag-aaral na pag-igihin pa ang pagsusuri sa mga mismong doktor kung sila’y nakararanas ng depresyon, gayundin ang pagsailalim nila sa karampatang gamutan.

-- Isinalin mula sa ulat ng Reuters
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.