Maxine Medina ibinahagi ang kanyang horror story

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 12:16 PM

MANILA - Ngayong Halloween season, iba’t ibang kuwento ng kababalaghan ang ibinahagi ng ilan sa mga sikat na showbiz personality.

Gaya na lang ni 2016 Miss Universe Philippines Maxine Medina na nagkuwento ng horror experience na nararamdaman sa kinatatayuan ng kanilang ancestral house sa D. Tuazon sa Quezon City na isang dating sementeryo.

"Nakaupo 'yung mommy ko sa sofa. Nakita niya 'yung yaya niya paakyat. ‘Di ba usually kapag ganun, ma-feel mo talaga na [humahakbang paakyat]. Siya straight, diretso," kuwento ni Maxine.

"Tapos dahan-dahan daw tumungin siya sa mommy ko na ibang iba ang face. Sa sobrang takot ng mommy ko, nagsumbong siya sa mommy niya," dagdag pa ni Maxine.

Ayon pa sa beauty queen, normal na sa kanilang pamilya ang horror stories dahil sa kababalaghan na mayroon sa kanilang tahanan.

"Yung lola ko naman din kasi, mahilig sa ganyan. Since ang birthday naman niya is November 1 kaya natutuwa siya kapag may mga ganung story. Hindi ko maintindihan. Ganun din ang kinalalakihan namin pero kapag natatakot na kami, nagiging bonding na rin namin," aniya.

Takot man sa kuwentong kababalaghan, nag-aalay na lang ng panalangin si Maxine tuwing nae-experince niya ang mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.