Funeral package sa isang punerarya, aabot sa P8 milyon

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 07:37 PM | Updated as of Nov 01 2017 09:50 PM

Mapa-cremation man o libing sa lupa, parehong kailangang paglaanan ng pondo ang paglalagak ng labi ng yumao sa huling hantungan.

Sa isang punerarya, nasa P7 milyon hanggang P8 milyon ang pinakamahal na funeral package kung saan pasok na lahat ng serbisyo hanggang libing. 

Kasali na sa package na iyan ang gold plated na ataul na nasa P1.8 milyon ang presyo. 

May ataul ding gawa sa oak na nagkakahalaga naman ng P1.5 milyon habang P1.2 milyon naman ang yari sa cherry hardwood. 

Ayon kay Robert Gregorio, chief executive officer ng Cosmopolitan Memorial Chapels & Crematory, mayroong nagsasabing hindi naman kalabisan ang presyo ng kabaong dahil para rin ito sa kanilang mahal sa buhay.

"Kapag mahal mo talaga sa buhay, 'yong presyo na gano'n ay balewala rin," aniya. 

Samantala, dumarami na rin ang mga Pinoy na pinipiling ipa-cremate ang mga yumao nilang mahal sa buhay dahil mas nagiging praktikal na raw ito. 

Sa isang punerarya, P25,000 ang presyo ng cremation kasama na ang marmol na lalagyan ng abo. 

Tanggap na rin naman ng Simbahang Katolika ang cremation.

May mga simbahan ding may sariling columbarium.

Paalala naman ni Fr. Jojo Zerrudo ng Diocese of Cubao, may mga ipinagbabawal pa rin sa paghawak ng abo ng yumao. 

"[Bawal ang] Isasaboy mo sa himpapawid, itatapon mo sa tubig, o kaya naman manatili sa bahay. Una, kasi, ang katawan ng tao ay templo ng Espiritu Santo," aniya. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.