Karaniwang gastos sa yumao, umaabot ng libo-libong piso

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 07:41 PM

Mas maraming hindi handa para sa mga gastos sa libing kaya naman mahalagang pag-usapan at paghandaan ito para hindi magulat sa gastusin ang maiiwang kaanak, payo ng isang eksperto sa personal finance na si Joe Ferreria. 

Unang hakbang sa paghahanda rito ang paghahanap ng funeral home na may mga inaalok na package deals kadalasan. 

Sa isang funeral homes, nagkakahalaga ng P14,000 ang pinakamurang package na may kasamang embalsamo ng labi at hatid sa sementeryo sa araw ng libing.

Maglalaro naman sa P65,000 hanggang P180,000 ang iba pang kabaong na mas may disenyo.

Nasa P25,000 hanggang P50,000 ang hukay, depende sa memorial park. 

Aabot naman ng P15,000 hanggang P25,000 ang cremation fee. 

Bukod pa rito ang presyo ng lote o columbarium na aabot ng P70,000 hanggang P150,000 para sa private habang P1,500 hanggang P5,000 sa public.

Sa lapida naman, P2,500 kapag marble at P6,000 ang granite na iba’t ibang kulay.

Nasa P1,500 din ang adult marble na lagayan ng abo o ang urn habang P5,000 ang granite o bakal. 

Naglalaro sa P13,000 ang pinakamahal na lapida dahil porcelain ang materyal.

Puwede namang gamitin ang senior citizen discount sa ibang mga gastos tulad ng interment o cremation. Puwede ring hulugan ang lote o puwesto sa columbarium. 

Sa ibang lungsod gaya ng Mandaluyong, may alok na libreng cremation para sa mga pinakamahihirap na residente bilang tugon sa kakulangan sa lupa na mapaglilibingan.

Libre ring inilalagak sa isang underground columbarium ang mga labi para sa mga wala nang kaanak at hindi na nadadalaw. 

-- Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.