KILALANIN: Mag-asawang nakahanap ng true love sa 'kababalaghan'

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2017 04:07 PM | Updated as of Oct 29 2017 07:30 PM

Nababalot ng kababalaghan ang kuwento ng pag-ibig nina Peachie at Pryts Valera.

Miyembro kasi sila ng "Spirit Questors", isang pangkat ng mga taong mayroon umanong psychic abilities o kakayahang makipag-ugnayan sa mga multo.

Sa Spirit Questors unang nagkakilala sina Peachie at Pryts.

Kuwento ni Peachie, tila tadhana na ang nagpahiwatig tungkol sa kanilang magiging pagsasama sa hinaharap.

Ito'y matapos silipin umano ni Peachie ang mga larawan sa isip ni Pryts at nadatnan nito ang imahe nilang dalawa, na tila magkasintahan na.

"Binabasa ko siya. Na-imagine ko siya katabi ko, parang kami. Ba’t ko naisip bigla ‘yon, ibig sabihin ba subconsciously gusto ko siya?" kuwento ni Peachie.

Si Pryts naman, hirap noong mga panahong iyon na kalimutan ang pumanaw na dating nobya.

Nakakagigimbal nang sabihin ng mga kasamahan ni Pryts sa Spirit Questors na hindi pa natatahimik ang dating nobya at sinusundan pa rin nito ang binata.

Ngunit naglaho rin ang kaluluwa nito nang matutunan ni Pryts na bitawan ang kaniyang mga nararamdaman.

"Apparently ang nangyari is nandoon pa rin siya dahil hindi ako naka-let go sa past. When I met Peachy, that’s when I learned how to let go and forgive," ani Pryts.

Naging malapit sila sa isa't isa nang magkasama sa isang proyekto para sa isang programa ng ABS-CBN.

Di kalauna'y naging magkasintahan sila at ikinasal.

Kakaibang gimik ang naisip nina Peachie at Pryts dahil sa halip na nakakikilig na wedding video, minabuti nilang gumawa ng horror film.

Kapuwa idolo kasi umano nila si James Wan, direktor ng mga horror films gaya ng "The Conjuring" at "Insidious."

Pinamagatang “Lost and Found,” kuwento ang maikling pelikula ng mag-asawang ginagambala ng masamang puwersa.

Napabilang ang "Lost and Found" sa hanay ng mga maikling pelikulang tampok sa Singapore-based website na Viddsee.

"Gusto namin ipa-realize din na ... parang symbolically in darkness, there's also light. In any conflict mag-asawa or magpa-partner, it's always love that sees us through," ani Peachie.

Handog nina KZ Tandingan at Ito Rapadas ang awiting "A Long and Lasting Love" ni Crystal Gayle para kina Peachie at Pryts.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.